PCG nagbabala sa mga kolorum na sasakyang pandagat

PCG nagbabala sa mga kolorum na sasakyang pandagat

August 1, 2018 @ 3:50 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Muling nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa publiko na huwag tangkilikin ang mga kolorum na sasakyang pandagat upang makaiwas sa anumang aberya sa gitna ng dagat.

Ginawa ng PCG ang babala kasunod ng nangyaring insidente kamakailan kung saan lumubog ang isang motorbanca sa baybaying sakop ng Culasu point sa Roxas City, Capiz.

Sakay ng motorbanca na FV San Juan ang 12 katao na maayos namang nailigtas ng mga tauhan ng  search and rescue team ng PCG Capiz station

Sa ulat ng PCG, galing umano ang motorbanca na nirentahan ng isang Jesus Ziban sa People’s Park sa Barangay Baybay, Roxas City patungong Tuwas Island.

Nang pabalik ay saka sila sinalubong ng malalaking alon dahilan para lumubog ang kalahating bahagi ng FV San Juan.

Lumitaw naman sa imbestigasyon na kolorum ang motorbanca at hindi ito awtorisadong magsakay ng pasahero kaya naman posibleng sampahan ng kaukulang kaso ang operator at kapitan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)