PCG nagkasa ng aerial surveillance sa Bajo de Masinloc

PCG nagkasa ng aerial surveillance sa Bajo de Masinloc

October 6, 2022 @ 3:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagsagawa ng aerial surveillance ngayong Huwebes sa baybayin ng Bajo de Masinloc ang Philippine Coast Guard o PCG lulan ng Cessna 208 Caravan.

Na-monitor naman malapit sa bunganga ng BDM ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) at BRP Suluan (MRRV-4406) upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga mangingisdang Pilipino at suportahan ang kanilang activities sa lugar.

Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, ang mga tauhan ng Coast Guard na sakay ng mga capital ship ay regular na namamahagi ng mga relief supply sa mga mangingisda.

Nagbibigay din ang mga medical team ng PCG ng libreng health check-up sa mga hindi maganda ang pakiramdam sa kalagitnaan ng kanilang operasyon.

Bukod dito, ibinahagi ng Coast Guard Commandant na tinatayang 30 hanggang 40 Filipino fishing boats ang namonitor sa overflight ng PCG na naglalayong paigtingin ang presensya ng Coast Guard sa BDM at hikayatin ang mas maraming mangingisdang Pilipino na magsagawa ng mga aktibidad sa pangingisda sa lugar.

Sa nasabing overflight, namonitor ng PCG ang apat na barko ng China Coast Guard (CCG) – dalawa sa loob at dalawa sa labas ng BDM. Dalawang Chinese militia vessels din ang namataan sa labas ng nasabing vicinity waters.

Walang naging hamon sa pagitan ng PCG at ng CCG sa panahon ng aerial surveillance. Jocelyn Tabangcura-Domenden