PCG naglagay na ng oil spill boom sa pinaglubugan ng motor tanker

PCG naglagay na ng oil spill boom sa pinaglubugan ng motor tanker

March 8, 2023 @ 2:05 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naglagay na ng oil spill boom ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa recovery operation sa katubigang bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro kung saan lumubog ang MT Princess Empress.

“Nakapaglagay na ng oil spill boom dun sa suspected location ng vessel,” ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo.

Pebrero 28 nang lumubog ang motor tanker na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil sa dagat na sakop ng Naujan, Oriental Mindoro.

Lahat ng sakay na tripulante nito ay nakaligtas.

Ayon sa PCG, nasa 400 metrong lalim ang pinaglubugan ng motor tanker kaya hirap itong abutin ng mga divers.

Nitong Lunes, Marso 6 ay sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na natukoy na ang posibleng lokasyon kung saan lumubog ang MT Princess Empress sa hilagang-silangan ng Pola.

Upang maberipika, isang remotely-operated vehicle (ROV) ang ide-deploy para sa kumpletong visualization nito.

Sa ngayon, kabuuang 48,885 katao o 10,362 pamilya na ang apektado ng oil spill kaya naman nagdeklara na ng state of calamity sa 77 coastal barangays sa bayan ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao.

Iniulat na rin ng Department of Health (DOH) na marami na ang nakakaranas ng sintomas dulot ng oil spill. Jocelyn Tabangcura-Domenden