PCG: Panunutok ng laser ng Tsina, totoo

PCG: Panunutok ng laser ng Tsina, totoo

February 16, 2023 @ 2:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Binatikos ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin kaugnay ng laser-pointing incident noong Pebrero 6 sa Ayungin Shoal.

“Sasabihin nila na nagsisinungaling tayo. Hindi naman natin naging trabaho na gumawa [ng istorya],” pahayag ni PCG spokesperson for West Philippines Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela.

Sinabi rin ni Tarriela na mahirap paniwalaan ang mga opisyal ng China lalo na nang simulan niya ang kanyang pahayag sa diumano’y “indisputable sovereignty” ng China sa Ren’ai Reef (Ayungin Shoal).

Sa press conference sinabi ni Wang na ang Chinese Coast Guard (CCG) ship ay gumamit lamang ng “hand-held laser” upang sukatin ang distansya at bilis ng barko ng Pilipinas at signal directions para sa navigation safety.

Itinanggi rin ni Wang na dinirekta ng CCG ang laser sa mga crew ng PCG at idinagdag na ang dapat na hand-held equipment ay hindi nagdudulot ng pinsala sa anuman o sinuman sa barko.

Gayunpaman, pinanindigan ni Tarriela na ito ay isang military-grade laser, na nagsasabi na kung ito ay isang regular na laser lamang, ito ay dapat na magagamit sa anumang merkado.

“Kung ang sinasabi nilang laser na ‘to ay hindi nakakapinsala at ginamit lang nila pang-check ng speed ng barko, meron naman silang radar, bakit kailangan pa nilang gumamit ng ganitong ka-powerful na laser in terms of its intensity?” ayon sa opisyal.

Idinagdag pa nito na nakikita sa video na inilabas ng PCG na dumidirekta sa bridge ng barko ng PCG ang laser kaya hindi maaring sabihin ng opisyal ng China na hindi ito military-grade.

Nangyari ang insidente noong Feb.6 habang nagsasagawa ng resupply mission ang PCG sa Ayungin Shoal kung saan sinabi ng cost guard na pansantalang nabulag ang kanilang crew dahil sa laser.

Ipinatawag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para talakayin ang isyu.

Nakipagpulong din si Huang kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Andres Centino.

Samantala, naghain na ng diplomatic protest ang Philippine Department of Foreign Affairs laban sa China dahil sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden