PCG patuloy sa pagtulong sa ‘Paeng’ victims

PCG patuloy sa pagtulong sa ‘Paeng’ victims

November 1, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Patuloy na pinaghahanap ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lima pang nawawalang indibidwal sa Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Sinabayan ito ng aerial survey sa lugar matapos ihatid ng PCG Aviation Force ang karagdagang relief supplies sa Cotabato airport para sa mga residente ng BARMM na lubhang naapektuhan ng nagdaang sakuna.

Sa Tuguegarao City at Solana sa Cagayan, sinuong ng mga PCG rescuers ang abot-dibdib na baha, mailikas lamang ang mga residenteng na-trap sa kani-kanilang tahanan.

Pinasan ng mga rescuers ang mga bata at senior citizens, madala lang ang mga ito sa ligtas na lugar.

Gamit ang rescue boat, nagtulung-tulong din ang mga PCG personnel para mailikas ang mga residente sa Kawit, Cavite.

Naging katuwang din ang PCG sa pagsagip sa limang tripulante ng isang sasakyang pandagat na sumadsad sa katubigan ng Paluan, Occidental Mindanao dahil sa epekto ng Bagyong #PaengPH.

Naging abala rin ang PCG sa pamamahagi ng relief supplies sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo sa Capiz.

Samantala, kinilala naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mahalagang papel ng PCG sa pagtataguyod sa kaligtasan at seguridad ng mga apektadong pamilya. Jocelyn Tabangcura-Domenden