PCG, PNP sanib-pwersa sa pagsanay sa 82 SAF students

PCG, PNP sanib-pwersa sa pagsanay sa 82 SAF students

June 21, 2022 @ 6:30 PM 7 days ago


MANILA, Philippines- Nakipagtulungan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Philippine National Police (PNP) para sanayin ang 82 estudyante ng PNP-Special Action Force (SAF) sa pag-atake ng mga sasakyang pandagat sakay ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa kalapit na karagatan ng Port Area, Maynila mula 20 hanggang 22 Hunyo 2022.

Upang matiyak ang kanilang kahusayan sa pagsasakatuparan ng mandato ng PNP – SAF, ang mga kinauukulang mag-aaral na sumasailalim sa espesyalisasyon sa Urban Counter-Revolutionary Warfare Course (UCRWC) Class 103-2022 ay nagsagawa ng isang serye ng pagsasanay sa mga senaryo ng pag-atake sa barko upang gayahin ang pagsakay at pag-secure ng tulay ng barko at silid ng makina.

Ayon kay PCG Special Operations Force (CGSOF) Commander, CG Commodore Edgardo Hernando, ang nasabing inisyatiba ay nagtatag ng mas malapit na ugnayan at pinalakas ang interoperability ng special operations forces ng PCG at PNP, partikular sa pagsasagawa ng skills enhancement training at operations.

Tumulong sa pagsasagawa ng sea vessel assault training ang mga tauhan ng CGSOF na pinamumunuan ni CG Commodore Hernando, at mga opisyal at tripulante ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) na pinamumunuan ni CG Commander Erwin Tolentino.

Ang PNP-SAF ay ang pangunahing maneuver unit ng armadong pambansang pulisya ng bansa na nakatuon sa patuloy na pagpapahusay ng mga indibidwal na kasanayan at mga kakayahan ng yunit sa panloob na seguridad at mga operasyong kontra-terorismo. Jocelyn Tabangcura-Domenden