PCG, PRC nanawagan ng blood donation sa vulnerable sectors

PCG, PRC nanawagan ng blood donation sa vulnerable sectors

December 24, 2022 @ 2:31 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang panawagan nito para sa blood donation upang makapagbigay ng sapat at ligtas na dugo sa vulnerable sectors.

Inihahanda ni Philippine Red Cross Chairman at CEO Richard J. Gordon ang PRC Blood Services para sa mas mataas na pangangailangan ng dugo sa mga ospital at komunidad sa panahon ng kapaskuhan.

“Ngayong holiday season ay mas tataas ang kaso ng mga aksidente kaya mas marami sa ating mga kababayan ang mangangangailangan ng dugo. Hinihikayat natin ang mga malulusog at malalakas nating mga kababayan na mag-donate ng dugo sa ating mga blood centers at blood collecting units dahil ang dugo na inyong ido-donate ay magsisilbing regalo at pag-asa para sa ating mga kababayan ngayong Pasko — isang regalo na makapagliligtas ng buhay,” sabi ni Gordon.

Ayon sa PRC Blood Services, ang bawat unit ng dugo na nai-donate ay maaaring makabuo ng tig-isang unit ng red blood cells, plasma at platelet.

Ang bawat bahagi ay maaaring maisalin sa ilang mga pasyente depende sa mga sangkap na kinakailangan upang gamutin ang kanilang partikular na kondisyon.

Ang PRC ay mayroong 31 blood center at 71 blood collection units sa buong bansa. Para sa mga donasyon ng dugo, blood request, at iba pang mga katanungan, maaring mag-email sa PRC National Blood Services sa [email protected] o makipag-ugnayan sa PRC Blood Call Center, na maaaring maabot sa buong bansa sa pamamagitan ng pag-dial sa 143. Jocelyn Tabangcura-Domenden