PCGG ‘di bubuwagin; saklaw ng trabaho lalawakan-DOJ

PCGG ‘di bubuwagin; saklaw ng trabaho lalawakan-DOJ

July 29, 2022 @ 5:35 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang ahensya na inatasan na habulin ang ill-gotten wealth ng mga Marcos ay maging isang sentral na katawan para sa lahat ng mga ari-arian na kinuha ng gobyerno.

Anang bagong Department of Justice chief ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na pinag-aaralan ngayon ng Kagawaran ang posibleng pagpapalawak ng mga tungkulin ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).

“I don’t think we need to spend the next hundred years running after the Marcoses. I don’t think it’s going to be that way. Might as well make good of something that’s there already, so shift the mandate to something useful for the country and more urgent,” ani Remulla.

Dagdag pa ng Kalihim na maaaring gumawa ng forfeiture office sa ilalim ng komisyon para maayos na i-account ang lahat ng asset na kinukuha ng estado para sa hindi pagbabayad ng mga buwis, drug trafficking, at graft and corruption, bukod sa iba pang mga krimen.

Iginiit ng kalihim na ang panukalang ito ay hindi magpapalabnaw sa orihinal na mandato ng PCGG. Dagdag pa niya, inaasahang bababa ang mga asset na mababawi sa mga Marcos sa paglipas ng panahon.

Nilikha ng yumaong Pangulong Corazon Aquino ang PCGG sa pamamagitan ng Executive Order 1 noong 1986 para mabawi ang tinatayang $10 bilyong halaga ng ill-gotten wealth (katumbas na ngayon ng mahigit ₱500 bilyon) na diumano’y naipon ng mga Marcos at kanilang mga kroni noong dalawang dekada ng pamamahala ng ang yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Nitong Marso, nakabawi ang PCGG ng mahigit ₱170 bilyon. RNT