PCGG wala nang inaasahang ikakasang ill-gotten wealth case vs pamilya Marcos

PCGG wala nang inaasahang ikakasang ill-gotten wealth case vs pamilya Marcos

August 24, 2022 @ 6:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Aminado ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na bilang ahensyang may mandato na magrekober ng ill gotten wealth ng pamilya Marcos ay wala na silang inaasahang bagong kaso na maisasampa laban sa mga Marcoses at cronies nito.

Ang pahayag ay ginawa ni PCGG Chairman John Agbayani sa pagharap nito sa briefing ng House Commitee on Justice.

Nang tanungin ni Dasmarinas Rep Elpidio Barzaga si Agbayani kung ano ang masasabi nito sa panawagang iabolish na ang PCGG, sinabi ni Agbayani na sa loob ng nakalipas na 15 haggang 20 taon ay wala nang bagong ebidensya na lumalabas na magpapatunay ukol sa ill gotten wealth ng mga Marcoses.

“Personally we do not foresee any new cases to be filed against the Marcoses. For the last 15 to 20 years there are no evidence surfacing in order to prove the existence of ill-gotten wealth against the Marcoses and their cronies,”pahayag ni Agbayani.

Aniya, ang huling kasong naisampa laban sa mga Marcos ay noon pang dekada ’90.

Ang PCGG na itinatag noong 1986 ay quasi-judicial government agency na ang mandato ay magrekober ng ill-gotten wealth ng pamilya Marcos, mga kaanak nito, close associates at subordinates sa Pilipinas at maging abroad.

Mula 1986 ay nakarekober ang PCGG ng P265 bilyong mula sa mga Marcos. Gail Mendoza