PCOO Asec., pinagbibitiw ng kongresista dahil sa “Fake News”

PCOO Asec., pinagbibitiw ng kongresista dahil sa “Fake News”

July 12, 2018 @ 2:31 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Pinagbibitiw ni ACTS-OFW Rep. Aniceto Bertiz III ang isang opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) dahil sa pagkakalat ng “fake news.”

Panawagan ni Bertiz na magbitiw na sa pwesto si PCOO Asst. Secretary Kristian Ablan “for peddling fake news and incompetence.”

Malisyoso aniyang binaluktot ni Ablan ang mga naunang pahayag ni Bertiz noong unang pre-SONA forum kung kaya nagkaroon aniya ng pagkakataon si Labor Secretary Silvestre Bello na siya ay siraan.

Ang hinihingi lamang ng kongresista ay ang paghingi ng paumanhin  ni Ablan at kung hindi niya ito gagawin ay makabubuting magbitiw na ito sa pwesto.

Sa unang pre-SONA forum ay inihayag ni Bertiz  na hinikayat niya lamang ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglatag ng iba pang programa at istratehiya upang maiangat ang buhay ng may 7,000 Filipinos  na umaalis ng Pi.lipinas araw-araw upang magtrabaho sa ibang bansa.

Paliwanag pa ni Bertiz na ang overseas Filipino worker (OFW) ID card na aniya’y ipinagyayabang ni Bello bilang unang achievement nito ay walang gamit at hindi pa naman naipatutupad.

“Secretary Bello claims that the OFW ID card has great value as a  substitute for the overseas employment certificate (OEC). But actually, it is just an ordinary ID card that no machine whatsoever can read. Pampakapal lang ng wallet ng OFW ‘yan,” giit pa ni Bertiz sa ginanap na Balitaan sa Serye.

Hamon ngayon ni Bertiz kay Secretary Bello ay sumama sa NAIA at sabay nilang bilangin ang mga OFW na nagtataglay ng aniya;y “useless ID card na ayon kay Bello ay No. 1 achievement nito.

Binigyang diin pa ni Bertiz na hindi lahat ng napauwing OFWs sa bansa ay tumatanggap ng financial assistance.”

“Kokonti lang sa kanila ang nakatatanggap actually. Hindi lahat at wala pang kalahati ang nabibigyan ng financial aid.”

Ani Bertiz, maaaring ang problema aniya ay ang kakulangan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) funds o maaari rin aniyang mali ang mga pinaggugugulan.

“This is why we are prodding the DOLE to find new and meaningful  ways to help our OFWs, particularly the domestic workers, and their families here,” sinabi pa ni Bertiz.  (Meliza Maluntag)