PCOO, nagpaliwanag sa umano’y nakaw na litrato

PCOO, nagpaliwanag sa umano’y nakaw na litrato

July 25, 2018 @ 1:31 PM 5 years ago


Manilas, Philippines – Nagpaliwanag ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa alegasyon sa kanila na paggamit ng litratong hindi maayos na na-credit sa kumuha nito.

Ginamit ang litratong Balanghai Festival na kuha ni Butuan-based photojournalist Erwin Mascariñas sa live broadcast ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Lunes.

Sa i-shinare na post ng isang netize, nagpahayag ng pagkadismaya si Mascariñas sa kanyang Facebook page at sinabing, “Using my photo without my permission is the same as stealing.”

Sinagot naman ni PCOO Bureau of Communications Services Director Howard Lance Uyking ang paratang at sinabing nakuha nila ang litrato sa mindanaotourism.com.  na pagmamay-ari ng isang Ronald de Jong.

“It was recently discovered, however, that Mr. de Jong is not the owner of the photo despite the fact that in his website he stated that, for photos that are not his, ‘All submissions will be credited with the Author’s name and any website links,’” paliwanag ni Uyking.

Ayon kay Uyking, ang tunay na may-ari ng kontrobersiyal na larawan ay si Erwin Mascariñas na aniya ay gustong pasalamatan  ng ahensiya dahil sa pagkuha nito ng tunay na ganda ng Balanghai Festival na unang na-published sa mindananews.com.

Aniya, kinontak siya ng isa sa mga kaibigan ni Mascariñas kung saan nakausap na niya ito ay nakapagpaliwanag at aayusin ang isyu.

Hinikayat naman ni Uyking si Mascariñas at mindanews.com  na gumawa ng tamang hakbang laban sa mindanaotourism.com na umaangkin sa larawan at pagpayag na sila ang mabigyan ng attribution. (Kris Jose)