PCSO, ‘BINABASTOS’ NI JOHN YAP

PCSO, ‘BINABASTOS’ NI JOHN YAP

August 16, 2022 @ 2:51 PM 2 months ago


 SA kauna-unahang press conference ng bagong liderato ng Philippine Charity Sweeptakes
Office kamakailan, pangunahing napag-usapan  ay kung paano madadagdagan ang bumababang
kita ang ahensya.

 Nabanggit nina chairman Junie Cua at  General Manager Mel Robles ang pagdadagdag ng
bagong laro, ganon din ang problema sa dumadalang na tumataya at tumatangkilik sa mga
kasalukuyang palaro ng ahensya.

 Ang PCSO, bukod sa PAGCOR ay dalawang pangunahing sangay ng gobyerno  na ang mandato
ay charity works kaya mayroon tayong mga sugal na ginawang ‘legal’ para makapangilak ng
charity money.

Sa dami ng mga mahihirap  na humihingi ng medical at financial assistance, dapat kumilos –
gumawa ng pamamaraan  sina Cua at Robles para kumita at madagdagan ang naghihingalong
kaha-de-yero ng PCSO.

Sina Cua at Robles, personal choices ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa posisyon, ay
marahil nakabalita na sa mga problema sa loob na ahensya na dahilan ng pagkabankarote ng
charity agency.

 Ang Small Town Lottery na isa sa pinagkakakitaan ng malaki na aabot ng bilyones ay dapat
nilang silipin dahil sa nangyayaring pandaraya ng franchise owners na bino-bookies ang
operasyon ng STL.

 Isa pang dapat pagtuunan ng pansin nina Cua at Robles ay ang talamak na operasyon ng
jueteng lords na lantarang ginagamit ang PCSO-owned  lottery game Perya ng Bayan para mag-
mukhang ‘legal’ ito.

Palagay ko ay nakarating na rin sa kanilang kaalaman na isang nagngangalang ‘John
Yap’ ang pinakamalaking operator ng PNB-con-jueteng  sa buong Luzon na ang sentro ng
operasyon ay Cavite at Rizal.

Matatandaang si Yap ay ipinaaaresto sa PNP ni dating Interior Sec. Ed Año bago nito
lisanin ang opisina sa DILG dahil sa patuloy na pambabalahura at pambabastos sa totoong
operasyon ng PCSO. Kaya naman, nag-slow down ang  PNB-con-jueteng  pero  muling
namayagpag pag-upo ng administaryong Marcos.

Dapat ay putulin na nina Cua at Robles ang sungay  ni Yap para mahinto ang patuloy
na  pambabaluktot at pambabastos nito sa tunay na adhikain ng charity institution.

 Tignan natin ang aksyon nina Cua at Robles.  Abangan!