PCSO nagbigay ng tulong-pinansyal sa 10 ospital na kulang sa dokumento-COA

PCSO nagbigay ng tulong-pinansyal sa 10 ospital na kulang sa dokumento-COA

August 8, 2022 @ 9:02 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbibigay ng P144.011 milyon na tulong pinansyal sa 10 ospital ng gobyerno para makabili ng mga kagamitang medikal kahit na hindi kumpleto ang mga dokumento.

Sinabi ng mga state auditor na ang donasyon ay nagpapakita ng duda sa “impartiality, objectivity, and consistency” sa pagsusuri at pag-apruba ng PCSO sa mga grant mula 2020 hanggang 2021.

“The complete documentary requirements serve as basis in confirming the appropriateness of the medical equipment to the level and capability of the hospital to operate and maintain the same, therefore these are vital in the proper evaluation of the eligibility of the applicant to receive the grant of financial assistance,” saad sa 2021 audit report ng COA sa lottery agency ng bansa.

Isang korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno, ang PCSO ang pangunahing ahensya ng gobyerno na naatasang mangalap ng pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong medikal at iba pang kaugnay na serbisyo.

Napansin ng mga state auditor na sa iba’t ibang petsa mula Hunyo 2020 hanggang Disyembre 2021, nag-isyu ang PCSO ng mga tseke sa mga ospital sa halagang mula P1.4 milyon hanggang P29.9 milyon.

Ang pera ay para sa pagbili ng mga medikal na kagamitan ng mga ospital, anim sa mga ito ay mga ospital ng militar o pulisya.

Ngunit ang mga ospital ay kulang ng isa o higit pang mga dokumentong kailangan sa pagsusuri kung sila ay kuwalipikadong tumanggap ng tulong pinansyal ng PCSO.

Ang 10 benepisyaryong ospital ay ang: Basa Air Base Hospital, na nakatanggap ng P1.438 milyon, Air Force City Hospital (P2.172 milyon), Camarines Norte Provincial Hospital (P22.265 milyon), Air Force General Hospital (P1.744 milyon), Bislig District Hospital (P18.792 milyon), Masbate Provincial Hospital (P23.623 milyon), Fort del Pilar Station Hospital (P7.996 milyon), Agusan del Norte Provincial Hospital (P29.995 milyon), Victoriano Luna Medical Center (P19. 685 milyon) at Philippine National Police (P16.3 milyon).

Hiniling ng state auditor sa PCSO na ipaliwanag sa pamamagitan ng written explanation kung bakit ito nagbigay ng tulong pinansyal nang walang ganap na pagsunod ng mga ospital sa mga kinakailangang dokumento. RNT