PCSO nanindigang walang iregularidad sa isyu ng lotto draw

PCSO nanindigang walang iregularidad sa isyu ng lotto draw

October 4, 2022 @ 5:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Charity Sweepstakes Office na ang panayam sa mga nanalo sa Grand Lotto 6/55 ay sapat na upang kumbinsihin ang mga kritiko na walang anomalya sa draw.

“Walang basehan yung agam-agam. Sinasabi namin na nailabas na namin ang mga lugar kung saan nanalo ang mga lotto at hindi lamang yun…maraming network na rin ang nagpakita ng panayam ng mga nanalo. That should be enough to put this issue to rest.,” pahayag ni PCSO General Manager Mel Robles sa televised briefing nitong Martes.

Pinuna ang PCSO matapos ang draw nitong Sabado kung saan 433 ang tumaya sa anim na numero na nanalo ng ₱236,091,188.40 jackpot. Nagkakahalaga ito ng tig-₱400,000.

Sinabi ni Robles na normal sa ilang mananaya na alagaan ang kanilang “lucky numbers”.

“This is a game of chance, so walang hard and fast rule kung paano manalo dito,” giit niya.

“‘Yan ay alaga talaga ng mananaya, kung tumataya kayo ng lotto malalaman niyo na that’s very normal. Kaya nga ang dami nilang nanalo diyan kasi ang daming nag-aalaga niyan… For us, winning that series ay ordinaryo yan. That’s part of the odds in winning.”

Nanawagan din si Robles sa mga kritiko ng Grand Lotto results, at sinabing ang ilang mga komento ay “irresponsible,” at iginiit na bukas ang PCSO sa anumang imestigasyon sa draw kung para sa mga mambabatas ay kinakailang ito.

“It is very irresponsible to impute malice sa organization na tumutulong sa maraming tao lalo’t walang ebidensya. We welcome yung concern and enthusiasm ng ibang sektor — lalo na yung ating mambabatas syempre function nila yan na siguraduhin na maayos yung ating pamamalakad ng serbisyo sa tao,” aniya.

Umapela rin siya sa mga nagdududa na subukan ang kanilang swerte sa lotto, at sinabing makatutulong ito upang maintindihan nila kung paano mag-isip ang mga mananaya. RNT/SA