PCSO sumaklolo sa may cancer na si Lydia De Vega

PCSO sumaklolo sa may cancer na si Lydia De Vega

August 2, 2022 @ 1:47 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Mismong sina PCSO Chairperson Junie Cua at PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang nag-abot ng tseke na nagkakahalaga P500K sa anak ni Track and Field legend Lydia De Vega bilang tulong sa atleta na ngayo’y lumalaban sa sakit na cancer.

Sa simpleng seremonya kaninang ika-11 ng umaga sa punong-tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City, ang anak ni Track and Field Legend Lydia de Vega-Mercado na si Stephanie Mercado de Koenigswarter ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa ahensya.

Nagpapasalamat si Koenigswarter sa ipinagkaloob ng ahensya sa kanyang inang si  Lydia na nakikipaglaban sa Stage 4 breast cancer.

Kasalukuyang sumasailalim si de Vega sa medical treatment sa Makati Medical Center dahil sa breast cancer.

Nagpapasalamat naman si Koenigswarter at ang kanilang buong pamilya sa suporta na kanilang natatanggap mula sa publiko at tinatanaw nila ito na malaking utang na loob.

Sinabi rin ni Koenigswarter na matibay at patuloy na lumalaban ang kanilang ina sa tinagurian nilang ‘biggest race’ ng buhay nito.

Umapela rin naman ang anak ni de Vega ng panalangin at patuloy na suporta para sa kanyang ina.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Robles na batid nilang hindi pa sapat ang naitulong ng PCSO para kay de Vega dahil mahaba pa ang laban nito.

Nanawagan rin naman si Robles sa publiko na makiisa at tumulong rin kay de Vega.

Matatandaang si de Vega-Mercado, na tumakbo noong 1984 Los Angeles Olympic at sa 1986 Asian Games sa Seoul, South Korea, ay naging kauna-unahang manlalaro na nagwagi ng back-to-back gold medals sa 100-meter dash.

Ang naturang karangalan ang nagluklok sa kanya sa kasikatan at naging dahilan upang tagurian siyang Asia’s fastest woman at Sprint Queen noong 80s.

Siya rin ang naging kauna-unahang Pinay na tumakbo at nakipag-compete sa Olympics.

Ang kanyang mga naging accomplishments ay nagsilbing inspirasyon naman para sa bayan at motibasyon sa mga Pinoy. TOTO NABAJA