PCUP, DOLE nagkasundo sa pagbibigay ng kabuhayan, trabaho sa urban poor

PCUP, DOLE nagkasundo sa pagbibigay ng kabuhayan, trabaho sa urban poor

November 7, 2022 @ 7:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang lagdaan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang isang memorandum of agreement (MOA) na naglalayong pagsamahin ang kanilang mga pagsisikap sa pagbibigay ng trabaho at pangkabuhayan sa mga urban poor.

Sinabi ni PCUP chairperson Elpidio Jordan Jr. na nagkasundo ang dalawang ahensiya na selyuhan ang kasunduan matapos ang isang virtual meeting kasama si DOLE workers’ welfare and protection cluster Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay at Labor Employment officer Erickson Mag-isa.

Ang nasabing paglagda ay alinsunod sa pagdiriwang ng PCUP na “Urban Poor Solidarity Week” (UPSW) sa darating na Disyembre 7.

Ang tema ng UPSW ay tinawag na “The PCUP and the Urban Poor Sector: Together Meeting the challenge of the New Age,” kung saan mandato ng ahensiya na suportahan ang pro-poor initiatives at alleviation program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nangako naman si Pangulong Marcos na pabibilisin ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa hindi lamang sa mga nasa sentro ng komersyo kundi maging sa ibang mga lugar pa sa bansa.

“We will not leave a single stone unturned in helping our urban poor. Ito ang nais ng ating Pangulo—ang masolusyunan ang kahirapan sa ating bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa ating mga maralita sa trabaho at kabuhayan,” wika nito.

Noong nakaraang buwan, muling ni-renew ng PCUP ang pakikipagtulungan nito sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) habang pinalalakas ang mga pro-poor program nito.

Tinalakay naman nina Jordan at PCSO Chair Junie Cua ang adbokasiya ng huli para suportahan ang poverty alleviation program ng administrasyon partikular na ang persons with disabilities (PWD) at senior citizens, at ang nalalapit na UPSW.

Nagpahayag naman ng pagsuporta si Cua sa parehong inisyatiba, nangako na magbibigay ng medical supplies at food packs na ipamamahagi sa accredited urban poor organizations.

Ang PCUP, nilikha noong administrasyon ni dati at namapayapang Pangulong Corazon Aquino noong 1986, ay isang komisyon sa ilalim ng Office of the President na may tungkulin na protektahan ang karapatan ng mga urban poor organizations at communities, kabilang na ang mga informal settler families.

Partikular na tutugunan nito ang mga usapin sa urban poverty gaya ng demolisyon, reklamasyon at pabahay. Kris Jose