PCUP, Grab sanib-pwersa pa rin sa pagtulong sa urban poor

PCUP, Grab sanib-pwersa pa rin sa pagtulong sa urban poor

November 23, 2022 @ 1:04 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang pagsasanib-pwersa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Grab Philippines sa pagbibigay ng trabaho sa mga nasa marginalized at underprivileged sectors sa bansa.

Sa pahayag na inilabas nitong Martes, Nobyembre 22, sinabi ni PCUP chairperson at CEO Undersecretary Eplidio Jordan Jr. na ang pagpirma sa memorandum of agreement sa pagitan ng PCUP at Grab ay inaasahang sasabay sa selebrasyon ng Urban Poor Solidarity Week sa susunod na buwan.

“Ang renewal ng memorandum of agreement sa pagitan ng PCUP at Grab Philippines ay kasalukuyan ng inaayos at inaasahan na mapipirmahan kasabay ng selebrasyon ng Urban Poor Solidarity Week 2022 sa susunod na buwan,” sinabi ni Jordan.

Aniya, ang pagpapatuloy ng partnership sa pagitan ng pamahalaan at ng ride-hailing company na nabanggit ay tugma sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumuo ng mga programa kontra sa kahirapan.

Umaasa naman si Jordan na ang renewal ng PCUP-Grab deal ay magbubukas ng mas marami pang ugnayan ng pamahalaan, pribadong grupo at non-government organizations sa hinaharap.

“Inaasahan namin na mas lalakas pa ang pakikipag-ugnayan ng PCUP sa iba’t ibang mga indibidwal at grupo o organisasyon para maitaguyod ang adhikain ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marco Jr. na malutas ang problema ng kahirapan sa ating bansa,” dagdag niya.

Siniguro naman ni Grab Philippines public affairs manager Carole Kaye Cabahug-Malenab, na magpapatuloy ang lubos na suporta ng kompanya sa PCUP lalo na sa paparating na UPSW at ang four banner programs ng ahensya na ilulunsad sa susunod na taon. RNT/JGC