PCUP, PABOR SA ‘ILLEGAL SETTLERS’?

PCUP, PABOR SA ‘ILLEGAL SETTLERS’?

November 29, 2022 @ 11:36 AM 2 months ago


ANO nga ba ang nais nating manahin sa ating mga magulang kung sakali? Pera, negosyo o lupain. Para sa iba, pinakamaganda ang lupa dahil ang pera ay madaling gastusin kaya puwedengt maubos, ang negosyo ay puwedeng malugi pero ang lupa ay tumataas ang halaga.

Pero sa ilang may hindi magandang karanasan sa minanang lupa, hindi ng mga ito pipiliin ang lupa. Kasi nga kung ang lupa namang ipapamana sa iyo ay pinamamahayan ng “professional squatters” na alaga naman ng corrupt local government officials na tumatayong masterminds sa pangangamkam ng iyong lupain.

Kung idaraan sa korte, aabutin nang napakatagal bago magkaroon ng desisyon ang kote na halos hindi mo na pakikinabangan ang iyong lupang minana. Walang katapusang paraan ang gagawin ng LGUs na may alagang mga squatter upang hindi mabawi ang lupa.

Isang buhay na halimbawa ang lupang naiwan ni dating PC-INP General Hermogenes Peralta sa kanyang asawa na si Divina Peralta sa Barangay Madilaydilay, Tanay, Rizal na naipanalo sa Morong Regional Trial Court Branch 78 noong May 10, 2012. Pero hindi mapakinabangan ang lote dahil tinayuan ng halos 100 kabahayan ng mga taong hindi naman nila kilala.

Inutusan ng korte noong 2015 ang “illegal occupants” na bakantehin ang tinitirikan nilang lupa at magbayad ng upa na P10,000 bawat taon sa loob ng 11 taon kaya lang ay may mga nakiusap na aalis na lang sila ‘wag na lang sila magbayad ng upa.

May mga natirang matitigas ang ulo na umabot sa 10 pamilya na gusali na ang itinayo sa halip na bahay kaya’t hindi masasabing mahihirap. Ang masaklap, tila pinapaboran pa sila ng ilang opisyal ng LGU at maging ng Presidential Commission for Urban Poor, ang ahensiya ng pamahalaan na dapat ay nag-aayos ng gusot sa mga ganitong suliranin.

June 22, 2015 nang maglabas ng writ of demolition order si Tanay Municipal Trial Court Presiding Judge Robert Marcelo upang bakantehin ang lugar para sa lehitimong land owner.

May batas tayo na ang mga illegal settlers o illegal occupants ay kailangang tulungan ng LGU para sa relokasyon at financial assistance. At upang maisagawa ito kailangang magsagawa ang PCUP ng Pre-Demolition Conference (PDC) para sa kapakanan ng claimant, illegal occupants at ng LGU tungo sa mapayapang solusyon sa problema

Maraming hakbang na ginawa na ang ginang ni Peralta at sa tulong na rin ng korte subalit nawawalang saysay dahil nahaharang ng kontra hakbangin naman ng PCUP.

Nitong November 15, 2022, naghain nang reklamo ang land owner na si Peralta sa tanggapan ng Anti-Red Tape sa Malacañang dahil sa kawalan ng PDC Clearance mula sa PCUP na pinangangasiwaan ngayon ni PCUP Chairman/CEO Usec. Elpidio Jordan.

Bakit kailangang hayaan na mamayagpag ang illegal settlers? Baka naman puwedeng gumawa na ng hakbang ang PCUP upang makuha na ni Peralta ang kanyang lupa? Hindi naman dapat na maging mabagal ang proseso kung kumikilos ang PCUP?