PCUP, TANAY LGU ‘NABULAG’ NG EX- KAGAWAD

PCUP, TANAY LGU ‘NABULAG’ NG EX- KAGAWAD

December 21, 2022 @ 1:28 PM 1 month ago


BAGAMAN itinanggi ng Presidential Commission for the Urban Poor na kinakanlong ng kanilang tanggapan ang ilang professional squatters na umokupa ng pribadong pag-aari sa Tanay, Rizal ay tiyak na hindi na nito maitatanggi na nalinlang sila ng isang dating kagawad ng barangay na nagpapanggap na mahirap subalit napakarami palang mga paupahang bahay.

Unang linggo ng Disyembre, ipinalabas ni PCUP chairperson Undersecretary Elpidio Jordan Jr. sa Philippine News Agency ang kanyang pagtanggi sa akusasyon na pinapanigan ng PCUP ang “illegal occupants” sa Madilay-dilay Village sa Tanay.

Kasabay ng pagtanggi, sinabi ng PCUP na tinupad nila ang ilang pamantayan sa pagbibigay ng “fair and unbiased assistance” sa kanilang mga kliyente kung saan ang mga ito ay itinuturing na mga “underprivileged and homeless citizens” at hindi mga professional squatters.

Ayon pa kay Jordan, naisagawa na ng PCUP ang pre-demolition conference at naipasa na nila sa LGU ng Tanay, Rizal subalit walang nangyari dahil wala anilang ginawang aksyon ang nasabing lokal na pamahalaan.

Sinabi rin ng PCUP na naisalin na nila ang kaso at PDC report sa Philippine National Police Regional Office 4-A para sa kanilang kaalaman hinggil sa kaso.

Pero ang masaklap, hindi naman pala totoong underprivileged at homeless citizens ang mga nanakop ng lupa na pag-aari ni Ginang Divina Peralta subalit pawang may mga kakayahan ang mga ito sa buhay tulad ni dating Kagawad Salvador Nebran.

Nabatid na noong gawin ang PDC, pinalabas ni Nebran na may 60 kabahayan ang nakatirik sa lupang pribadong pag-aari ni Peralta kaya’t nagpasya ang PCUP na hindi maaaring magkaroon ng demolition hanggang walang naibibigay na ayuda ang lokal na pamahalaan.

Ano nga ba talaga ang proseso kung walang pondong maibibigay ang LGU sa mga dinedemolis na kabahayan?

Kung tutuusin, ang PCUP at LGU ng Tanay ay nabulag ng salbaheng kagawad at mga kakutsaba nito.

Ano kaya ang susunod na hakbang ng PCUP at lokal na pamahalaan ng Tanay upang maisaayos ang kaso?