PDEA, nabokya sa P7-B droga

PDEA, nabokya sa P7-B droga

August 10, 2018 @ 6:11 PM 4 years ago


Cavite – Naglahong parang bula ang isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng P7 bilyon nang datnan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang pinaglalagyan nito sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Nadiskubre ito ilang araw na ang nakararaan na pinaniniwalaang kasabay na dumating ng P4.3 bilyong halaga ng shabu na naharang sa Manila International Container Port.

Pero nang kanila nang puntahan ang warehouse sa Barangay F. Reyes ay nabokya sila dahil apat na walang lamang magnetic lifting equipment lang ang kanilang naabutan.

Sa patuloy na imbestigasyon, ni katiting na shabu ay walang natira pero naaamoy ng kanilang K-9 units ang traces nito.

Ayon kay Director General Aaron Aquino, mayroon na silang 19 na persons of interest kabilang ang 11 na Chinese nationals.

“Karamihan po rito ay identified na po natin at tinutugis na po natin sila at nagko-conduct kami ng backtrack investigation para malaman pa po kung ano talaga po ang nangyari bakit naipuslit itong ganitong kalaking ilegal na droga sa ating port,” aniya sa isang interview.

Isiniwalat din ni Aquino na nanggaling ang shipment sa Taiwan at posibleng ito ay hinahawakan ng Chinese triad o Golden Triangle syndicate.

Nadiskubre ng PDEA ang magnetic lifters matapos na magsumbong ang caretaker ng warehouse na may nakita siyang ipinasok noong July 14 na tila kahawig ng napanood niya sa balita kaugnay sa naipuslit na shabu sa MICP. (Remate News Team)