PDEA-NCR chief sinibak!

PDEA-NCR chief sinibak!

December 13, 2022 @ 6:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinibak na sa puwesto ang regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa National Capital Region (NCR) kasunod ng buy-bust sa Taguig City, kung saan naaresto ang isang opisyal at dalawang ahente ng ahensya.

Sa anunsyo ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo kinilala niya si Emerson Rosales bilang bagong hepe ng PDEA-NCR, kapalit ni Christian Frivaldo.

Si Rosales ay naging direktor ng PDEA-Western Visayas bago siya italaga bilang hepe ng PDEA-NCR.

Inihayag din ni Lazo na ang lahat ng iba pang tauhan ng PDEA Southern District Office ay na-recall na rin dahil sa insidente noong nakaraang linggo.

“It’s a normal course (of action) kapag may mga insidenteng ganyan, (its) command responsibility. Kung may mga insidenteng ganyan, (a PDEA official) is getting relieved administratively. Hindi dahil nahaharap siya sa kaso kundi dahil sa insidente. Normal lang na ma-relieve sa isang post,” paliwanag ni Lazo.

Sa operasyon noong Disyembre 6, nakuhanan sina SDO director Enrique Lucero, PDEA agents na sina Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno, at ang driver ni Lucero na si Mark Warren Mallo ng 1.35 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P9.18 milyon, buy-bust money, apat na baril at isang digital weighing scale.

Nauna nang kinondena ng Taguig City government ang insidente at binawi sa PDEA ang gusaling pag-aari ng lungsod na ginagamit ng SDO.

Sinabi ni Lazo na tinanggihan ni Mayor Lani Cayetano ang kahilingan ng bagong PDEA-NCR director at community relations officer ng PDEA para sa isang courtesy call noong nakaraang linggo upang talakayin ang usapin.

Sinabi ni Lazo na hihilingin niya kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na tulungan ang PDEA sa pagkumbinsi sa Taguig City government na muling isaalang-alang ang hiling nito.

Nauna nang sinabi ni Abalos na kakausapin niya ang mga opisyal ng Taguig City kaugnay ng pansamantalang pagsususpinde ng suporta nito sa PDEA dahil sa pagkakasangkot ng mga tauhan nito sa aktibidad ng ilegal na droga. RNT