PDEA nilinaw: P4.3-B halaga ng shabu, nasabat sa Manila Port

PDEA nilinaw: P4.3-B halaga ng shabu, nasabat sa Manila Port

August 7, 2018 @ 11:11 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nilinaw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na umabot sa halagang P4.3 bilyon ang kabuuang halaga ng nasabat na 500 kilo ng shabu sa Manila International Container Port (MICP), North Harbor, Manila taliwas sa unang inihayag na P3.4 bilyon  sa press conference sa Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, ito ay ayon sa pinal na pahayag ngayong gabi ni PDEA Director General Aaron N. Aquino.

Ang nasabing kontrabando ay nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng PDEA, PNP, BOC Martes ng hapon.

Isang confidential informant ng  PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa ilalim ni Director Ismael Fajardo Jr. at  PNP Civil Security Group ang nagbigay umano ng tip noong July 16, 2018 hinggil sa shipment ng illegal drugs mula Malaysia na tankang ipuslit  sa bansa.

Una nang sinabi ni Aquino na posibleng ginawang transshipment point lamang ang Malaysia. Gayunman, hindi pa aniya batid kong saan bansa galing ang nasabing kontrabando.

Sa naunang pahayag naman ng Bureau of Customs (BOC) ang consignee ng kontrabado ay ang Vecaba Trading  International na nasa pangalan ng Vedasto Cabral Baraquel ng Barangay  Lalud, Calapan, Mindoro City na ayon kay Aquino ay subject  of investigation na ngayon.

Inatasan na rin ni Aquino ang PDEA International Cooperation and Foreign Affairs Service  (ICFAS) na makipag-ugnayan sa kanilang counterparts mula Malaysia at China kaugnay sa nasabat na shabu shipment.

Napag-alaman kay Customs Commissioner Isidro Lapeña sa press conference na June 28 pa dumating sa MICP ang 20 foot container van na idineklara lamang bilang doorframe, ngunit makalipas ang 30 araw ay wala pa ring nag-claim dito.

Nang buksan ay may dalawang magnetic scrap lifter ang nakalagay kung saan dun isiniksik ang  kilo-kilong shabu na maging ang mga K9 unit ay hindi agad ito naamoy dahil sa kapal ng metal.

Nang makumpirmang shabu ay agad na nakipag-ugnayan sa PDEA ang BOC na nagkataon namang may nakapagsumbong na tungkol sa shabu shipment. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)