PDI pinuna ng Malakanyang; artikulo salungat sa pahayag ng OPS

PDI pinuna ng Malakanyang; artikulo salungat sa pahayag ng OPS

November 25, 2021 @ 5:34 PM 3 days ago


MANILA, Philippines- Hayagang pinuna ng Malakanyang ang lumabas na artikulo ng pahayagang Philippine Daily Inquirer (PDI) na nagsasabing tinanggihan o ni-reject diumano ng Malakanyang ang naging kahilingan ni international criminal court (ICC) prosecutor Karim Khan na humihiling ng mga impormasyon ukol sa isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan sa kampanya nito kontra ilegal na droga.

Nakasaad sa artikulo, salungat umano sa posisyon ng gobyerno ang kahilingan ni Khan dahil wala nang hurisdiksyon sa Pilipinas ang ICC.

Paglilinaw ni acting presidential spokesperson at CabSec. Karlo Nograles, salungat ang artikulong ito ng Inquirer, sa inilabas na statement ng Office of the Presidential Spokesperson (OPS) kahapon.

Sinabi ni Nograles, malinaw aniya ang nakasaad sa OPS statement na nagsasabing wala pang natatanggap na anumang formal request ang Palasyo ukol sa kahilingang ito ng ICC.

Pahayag ni Nograles, hindi maaring i-justify o mabigyang-katwiran ang taliwas na artikulo ng Inquirer dahil hindi ito nakasulat o mababasa sa inilabas na statement ng OPS.

Muli namang binigyang-diin ni Nograles na hindi nagbabago ang posisyon ng pamahalaan na walang sapat na hurisdiksyon ang tribunal para magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa drug war ng administrasyon, pero hindi aniya ito maaring gawing dahilan para pigilan ang gobyerno na patuloy na makipag-ugnayan sa ICC.

Ani Nograles, ito ang pinaka-paksa o pinaka-ipinahihiwatig ng kalatas na isinapubliko ng OPS. Kris Jose