PDLs pinakakanta ni Cayetano vs kontrabando sa kulungan

PDLs pinakakanta ni Cayetano vs kontrabando sa kulungan

October 28, 2022 @ 6:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang lahat ng persons deprived of liberty (PDL) kabilang ang nasa New Bilibid Prison na lumantad, at isumbong sa awtoridad ang nalalaman nilang anomalya o pagpupuslit ng kontrabando sa loob ng piitan upang masawata ang anumang maling gawain.

Sa kanyang pagdalo sa selebrasyon ng National Correctional Consciousness Week sa Taguig City Jail kasabay ng kaarawan nito, sinabi ni Cayetano na kailangan isumbong sa awtoridad ang anumang illegal na gawain upang hindi na muling mangyari ang nangyaring pagpaslang kay broadcaster Percy Lapid.

Namahagi si Cayetano kasama ang kabiyak nitong si Maria Laarni “Lani” Lopez Cayetano at Congressman Ading Cruz kasama ng mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology na sina Jail Director Allan s. Iral at Jail Chief Supt. Luisito Munoz, regional director, BJMP NCR, ng hygiene kits at pagkain sa mahigit 1,291 PDLs at 127 tauhan ng ahensiya.

“Kung mayroon kayong nalalaman na mga maling aktibidad, gawain o impormasyon, dapat isumbong kaagad sa kinauukulan upang mapuksa kaagad,” ayon kay Cayetano.

Inihalimbawa din ni Cayetano ang sinasabing pagkakapaslang sa middleman ng pumatay kay Lapid, hindi sana ito magsisilbing nakalista sa mga napatay o namatay sa loob ng kulungan kung naibahagi kaagad ang impormasyon sa awtoridad.

Bagama’t nababagalan si Cayetano sa proseso ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Lapid, kailangan na umanong lumantad kung sinuman ang may nalalaman upang malutas ang kaso o alinmang kasong nasasangkot ang hanay ng PDL.

Umaasa si Cayetano na makakamit ni Ka Percy ang katarungan at hindi ito mabibilang sa mahabang listahan ng unresolved cases sa ating bansa.

Nanawagan din ang Senado sa pulisya at Department of Justice (DOJ) na maging maingat sa pagbibigay ng impormasyon at detalye sa naturang kaso upang hindi mailto ang taumbayan.

Aniya, mas maging maging matahimik ang imbestigasyon at magbigay ng impormasyon kung depenido at tiyak ang impormasyon sa agarang magtutukoy kung sinuman ang nasa likod ng krimen at mabigyan ng katarungan ang sinapit ni ka Percy.

Nangangamba si Cayetano na maaaaring makapagplano ng iba pang hakbangin o pamamaraan ang taong nasa likod ng krimen kung hayagang isisiwalat ang lahat ng impormasyon sa krimen habang umuusad ang imbestigasyon. Ernie Reyes