PDP-Laban ni Pacquiao ‘di bibitaw

PDP-Laban ni Pacquiao ‘di bibitaw

July 10, 2021 @ 3:20 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Hindi basta susuko ang PDP-Laban leadership na hawak ni party president Sen. Manny Pacquiao, batay sa ulat.

Sa gitna ito ng pagpapatalsik sa tatlong opisyal kasama na si vice chair Energy Secretary Alfonso Cusi na nakairingan ni Pacquiao.

“Hindi naman po titigil ang PDP-Laban sa ilalim ng pamumuno din ni Sen. Pacquiao at sa gabay po ni Sen. Koko Pimental para ibigay ang laban sa kanila. Hindi po ganun,” pahayag ni Pines Arcega, chair of PDP-Laban’s National Education Committee at National Executive Committee sa TeleRadyo.

Maaalalang kahapon, tinanggal ng PDP-Laban si Cusi, Deputy Secretary General Melvin Matibag at membership committee head Astra Naik sa umano’y paglabag ng ilang probisyon sa konstitusyon ng partido.

 “Isang nakarating sa aming balita tatanggalin daw si Sen. Pacquiao bilang presidente o bilang kasapi. Pero ang isang pagtitipon na ilegal kahit saan mo dalhing usapin ‘yan hindi po yan titindig,” lahad pa ni Arcega.

Samantala, ikinalungkot naman niya ang nangyayari sa kanilang partido at umaasang mareresolba pa ang mga gusot.

“Alam nating maraming umaasang mga kababayan natin para sa matinong pamumuno at pagbabago kaya hindi po tayo bibitiw sa gitna ng problemang it.” RNT/FGDC