PDP-Laban wala pa ring napagdesisyunang susuportahang presidential bet

PDP-Laban wala pa ring napagdesisyunang susuportahang presidential bet

February 2, 2022 @ 12:24 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Nananatili pa ring undecided ang PDP-Laban, ruling party, sa kung sino ang susuportahan sa pagka-pangulo na sasabak sa 2022 elections.

Ang pahayag na ito ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles Nograles ay bunsod na rin ng ulat na nananatiling walang presidential candidate ang partido para sa nalalapit na halalan kasunod ng pag-atras mula sa presidential race ni Senador Ronald dela Rosa at Senador Christopher ‘Bong’ Go.

Sa isang panayam, sinabi ni Nograles na nananatili pa ring nasa proseso ng “consensus-building” sa hanay ng mga miyembro ng PDP-Laban ang nasabing usapin.

Si Nograles ay nagsilbi bilang executive vice president ng paksyon na pinangungunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

“Dumadaan pa ng proseso ng PDP-Laban. We’re still trying to seek consensus sa loob ng PDP-Laban,” ani Nograles.

“Dumadaan pa kasi ng proseso ‘yan not just from the executive committee, but also with the other officials, especially on the ground, [in the] regions,” dagdag na pahayag nito.

Kasama sa proseso ang makipagtalakayan kasama ang political parties ng ibang presidential candidates.

“Yung bawa’t kandidato na tumatakbo bilang pangulo ay may kanya-kanyang partido,” ani Nograles.

“It’s really a discussion not only with the personality himself but also with the party. Party-to-party discussions din po ‘yan,” aniya pa rin.

Samantala, itinanggi naman ni Nograles na napili na ng PDP-Laban si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang presidential candidate nito matapos na ang mga poster ni Mayor Isko at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay namataan sa ilang lugar sa bansa.

“Hindi po. Hindi po. No. Hindi po ,” ang tugon ni Nograles sa tanong kung ang mga nasabing poster ay mula sa PDP-Laban.

Matatandaang, in-adopt ng Cusi faction ng PDP-Laban si Mayor Sara bilang kanilang vice-presidential candidate subalit hindi naman naplantsa kung si Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang pangulo.

Napaulat naman na mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nagpahayag na hindi siya masigasig na suportahan si Marcos Jr., dahil sa “weak leadership skills” nito. Kris Jose