PDu30, handang ibenta ang mga ari-arian ng pamahalaan na walang pakinabang

PDu30, handang ibenta ang mga ari-arian ng pamahalaan na walang pakinabang

July 15, 2020 @ 9:26 AM 8 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Talagang ibebenta ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga ari-arian ng gobyerno na wala namang pakinabang.

Subalit, nilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque na gagawin ito ng Pangulo kung kinakailangan na ng taumbayan.

“Uulitin ko lang po ang sinabi ng Presidente, talagang ibebenta niya ang lahat kung kinakailangan ng taumbayan,” ayon kay Sec. Roque.

Batid aniya niya na tutol si Finance Secretary Carlos Dominguez III sa pahayag na ito ng Pangulo subalit iyon aniya ang posisyon ng Chief Executive.

“I know that Sec. Dominguez has expressed a different view but as a Spokesperson, i just have to repeat what the President has said. Iyon po ang sinabi ng Presidente, kung kinakailangan ibenta iyong mga ari-arian na iyan, ibebenta para sa taumbayan, doon na lang po iyon,” aniya pa rin.

Nauna rito, umapela si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na ibenta na lamang ang mga ari-arian ng gobyerno na wala namang pakinabang upang makalikom ng dagdag na pondo pantugon sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kulang daw aniya kasi ang P140-bilyong inilaan ng mga economic manager sa ikalawang stimulus package.

Mas mabuti na aniya ang magbenta ng mga ari-arian ng pamahalaan na wala namang pakinabang kaysa mangutang.

Batay sa inihain nitong Senate Bill 1646 na Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) act, nais nitong bumuo ng specialized asset management corporation na siyang maglilinis sa mga pagkakautang at hindi mapakinabangang mga ari-arian ng mga lending institutions.

Aniya, makakatulong ang mga fist corporations na dagdagan ang pondo ng gobyerno sa pagtugon sa crisis bunsod ng COVID-19.

Giit pa nito na tila virus ang mga hindi nababayarang utang at iba pang non-performing asset na nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa. RNT/Kris Jose


  •  
  •  
  •