PDU30, isinisisi sa senadora ang naudlot na paglutas sa problema ng trapiko sa EDSA

PDU30, isinisisi sa senadora ang naudlot na paglutas sa problema ng trapiko sa EDSA

March 24, 2019 @ 2:25 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Sinisisi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isang senadora ang naudlot na paglutas sa matinding problema ng trapiko sa EDSA.

Ani Pangulong Duterte, noong humihingi siya ng emergency powers base sa rekomendasyon ng kanyang economic managers ay kumontra agad ang hindi pinangalanang senadora dahil sa pangambang baka kung saan lang mapunta ang perang gagamitin sa paglutas sa trapiko.

Ito ang dahilan kung bakit hindi na lang ipinursigi ang paghingi ng emergency power dahil ayaw niyang pinagdududahan siya patungkol sa pera.

“May isang senadora, kakaumpisa lang sinabi kaagad niya, ‘Ah wala, malaking pera ‘yan. Alam mo, mako-corrupt lang ‘yan’. Kaya sumagot ako, sabi ko ‘Hindi naman’. Let EDSA rot there. Wala akong pakialam,” ayon kay Pangulong Duterte.

Kaya tuloy ayon sa Pangulo Duterte ay naghanap na lang siya ng alternatibo kaya tinutukan ang paggawa ng mga skyway at mga kalsada para sa mga motorista.

“O ngayon, nauna ko na ‘yung itaas. Wala pang EDSA pero if you — matapos ko ‘yung mga skyway, then you will be freed of the traffic problem. But ‘yan ang history ng EDSA. May isang senadora na mas marunong. ‘Yun nga ‘yung magpakamarunong,” ayon kay Pangulong Duterte./Kris Jose