PDu30 mananatiling ‘worker for the people’ kahit ‘di na Pangulo

PDu30 mananatiling ‘worker for the people’ kahit ‘di na Pangulo

May 4, 2022 @ 8:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Mananatiling “manggagawa” para sa mamamayang Pilipino si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kahit pa hindi na siya ang Pangulo ng bansa.

Nakatakda kasing bumaba sa kanyang tanggapan ang Pangulo sa Hunyo 30, 2022.

Sinabi ng Pangulo na patuloy niyang tutulungan ang sambayanan matapos na bakantihin niya ang Malakanyang.

“Ako sibilyan na in a few days. I am a resident of (Davao) city. I do not have a house here, but kung mapunta kayo ng Davao o may problema kayo na gusto ninyong ipaabot, na hindi ka makakuha ng direksyon sa kumpas nyo, just write me a letter,” ayon kay Pangulong Duterte sa mga taong dumalo sa isinagawang campaign rally para sa PDP-Laban bets sa Cainta, Rizal.

“Kung may problema kayo, na hindi na kaya ng gobyerno, government cannot solve it, alamin mo ako. Tignan ko lang. I will also say to you, a guarantee, pakinggan kita, at tutulong ako,” pagpapatuloy nito sabay sabing, “I will remain a worker for the people.”

Plano ni Pagulong Duterte na magretriro mula sa government service kapag natapos na ang kanyang termino sa Hunyo, kasunod ng kanyang naging desisyon na umatras mula sa senatorial race para sa May 2022 elections.

Sa naging talumpati ng Chief Executive, sinabi nito na pinag-isipan niyang bumili ng apartment sa Kalakhang Maynila gamit ang kanyang retirement money, siya lamang kasi ang Pangulo ng bansa na walang anumang bahagu sa kabisera.

“Two months from now, punta kayo ng Davao, tignan niyo ang bahay ko. Kayong taga-Davao, sabihin ninyo sa kanila, ako lang ang Presidente na walang bahay dito sa Maynila. Uuwi ako sa dun sa amin na bahay na luma,” anito.

“Wala akong bahay…kung may apartment man na kaya, malaki man rin ang makuha ko sa gobyerno sa retirement ko. Ayaw ko lang sabihin, pero talagang baka sabihin nyo, kinurakot ko yun. Gobyerno ang nagbigay, computed ng GSIS,” aniya pa rin.

Samantala, sa nasabi pa ring campaign rally, inendorso ni Pangulong Duterte ang national at local candidates ng PDP-Laban Cusi faction.

“The elections are fast approaching. This is the time that we choose good leaders not only with wisdom, but also in their heart a spirit of public service,” ayon sa Pangulo.

“Let us therefore unite and work together in the candidates of PDP-Laban so we can secure a brighter future for our beloved country,” dagdag na pahayag nito.

Muli namang inulit ng Punong Ehekutibo na hindi siya mage-endorso ng kahit na sinumang kandidato sa pagka-pangulo para sa nalalapit na 2022 polls.

“Wala akong kandidato sa pagka-Presidente, neutral ako hanggang matapos ang eleksyon, at ibigay ko ang Presidente na ihalal ninyo,” ani Pangulong Duterte. Kris Jose