PDu30 masayang bababa sa pwesto

PDu30 masayang bababa sa pwesto

March 26, 2022 @ 9:15 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Masayang bababa sa kanyang pwesto si Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil naisakatuparan nito ang kanyang mga pangako sa sambayanang Pilipino.

“I’m coming home, God willing.  Kita ko ang Pilipinas okay naman and lahat ng sinabi ko sa tao na gagawin ko, just from the number of my fingers, siguro mag-abot ng sampu,” ayon sa Pangulo sa kanyang naging talumpati sa ginawang pagpapasinaya Cancer Diagnostic Institute Building at Cancer Treatment Facility Building sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa kanyang hometown sa Davao City.

“Law and order, droga…universal health care, education, irrigation ng farmers, infrastructure, nakita na nyo…,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.

Inulit nito ang kanyang babala sa mga durugista na umiwas na sa ilegal na droga, nangako ito na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagtugis sa mga ito.

Ayon sa Pangulo, pakiramdam niya ay may natupad siya sa buhay at wala na siyang hihilingin pa.

Inamin nito na “gago” siya nang pangarapin din niya ang maging Pangulo ng bansa noong 2016 gaya na rin ng mga nag-aambisyong maging Pangulo ng bansa sa nalalapit na May 2022 elections.

“Fulfilled na ako sa lahat ng bagay.  Wala na akong mahihiling pa sa Diyos.  Kung humingi pa ako sa Diyos ng marami, sabihin nya ….umabot ka na dyan.  But it was all worth it,” anito.

“Ang taong mag-ambisyon na mag-presidente, gago.  Kagaya ko, minsan mamayat ako, minsan tataba ako.  When you get to study all documents of the Republic of the Philippines, mawawalan ka ng stamina,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, muling idineklara naman ng Pangulo na pagdating sa mga proyekto ng pamahalaan, hindi siya pabor sa mga lugar kung saan siya nanalo noong 2016 elections.

“I told the Department of Public Works and Highways, Transportation, ang pera, hatiin para sa lahat. Kaya kahit saan ka magpunta, kahit sa Luzon, you can see the stretch of the highways, as far as your eyes can see,” ayon sa Punong Ehekutibo.

“Pag pumunta sila sa Ilocos, iyong eight hours, you can make it in five hours if there is no traffic, ganoon na lang. Kasi nagpagawa ako ng mga highways na bago,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte. Kris Jose