PDu30 sa ieendorsong prexy candidate: Neutral ako

PDu30 sa ieendorsong prexy candidate: Neutral ako

April 1, 2022 @ 8:24 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Hanggang ngayon ay nananatili pa ring ‘neutral’ si Pangulong Rodrigo Roa Duterte pagdating sa usapin ng presidential race.

“I am not supporting any presidential candidate. Neutral ako,” ayon kay Pangulong Duterte sa naging talumpati nito sa isinagawang National Joint Task Force- Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict Meeting na idinaos sa JPark Island Resort, M.L. Quezon National Highway, Maribago, Lapu-Lapu City, Cebu, araw ng Huwebes, Marso 31.

“I am not campaigning  for any particular candidate,” diing pahayag nito.

Ang pahayag na ito ng Chief Executive ay matapos na iendorso ng paksyon ng ruling PDP-Laban ang presidential candidacy ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr., standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.

Isang larawan ng Pangulo at ni Marcos sa Malakanyang ang kumalat pa sa social media.

Si Marcos ay tumatakbo bilang running mate ng anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, tumatakbo ito bilang bise-presidente sa ilalim ng Lakas-CMD.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na ang susunod na Pangulo ay dapat na “compassionate” at isang abogado.

Sa 10 presidential hopefuls, tanging sina Vice President Leni Robredo at Dr. Jose Montemayor ang mga abogado.

Nito lamang Marso 22, sinabi ng Malakanyang na hindi ito sigurado kung susuportahan ng Pangulo ang naging desisyon ng Cusi faction ng PDP-Laban na inendorso si Marcos.

Habang tikom ang bibig sa kung sino ang kanyang napipisil na presidential bet, hindi naman mag-aalinlangan si Pangulong Duterte na mag-proklama ng lokal na opisyal na aktibong nakikipaglaban sa ilegal an droga at rebeldeng komunista.

“Iyong lahat ng mayors lalo na fighting the communists, active masyado, hindi ako makasabi na botohan mo sila, bawal man,” ayon sa Pangulo sabay sabing “Basta kalaban niyo mga komunista pati droga, proclaim ko kayo.”

Idinagdag pa niya na habang mayroong Commission on Election guidelines kaugnay sa pag-endorso ng kandidato, sinabi ng Pangulo na hindi ito magiging hadlang sa “freedom of expression.”

“Whatever the Comelec would really, marami dito abugado, you cannot prevent a Filipino the basic right of freedom of expression, hindi mo talaga maano ‘yan, you cannot prevent it, sa totoo lang,” anito. Kris Jose