PDu30 sa PDEA: Ulat sa iligal na droga isumite sa ICC

PDu30 sa PDEA: Ulat sa iligal na droga isumite sa ICC

March 30, 2022 @ 7:48 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Inatasan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang law enforcement agencies na magsumite ng report sa human rights groups at International Criminal Court (ICC) ukol sa bilang ng tonelada ng ilegal na droga na nakapasok sa bansa.

“I suggest that lahat ng pati… PDEA you are listening now. Magbigay kayo ng isang report lang. PDEA lahat ng datos, ibigay ng different law enforcement agency at ibigay sa human rights dito. ‘Yung nagdadala ng ICC,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, Martes ng gabi.

“Ibigay tapos ibigay ninyo yung kopya ng toneladang shabu araw-araw na dumadagsa sa Pilipinas. Let them ponder on the number of Filipino, younger generation itong mga ecstasy, tawag nilang mga cocktail.. Para alam nila kung gaano kabigat, despite of our talagang double time marami pa rin,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, iniulat naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa Pangulo na nakapagsagawa ang mga awtoridad ng 1,162 anti-illegal drugs operations mula Marso 20 hanggang 26.

May kabuuang 72 indibiduwal ang personal na sumuko, habang 1,627 katao naman ang naaresto.

Sinabi ni Año na wala namang naiulat na nasaktan sa mga nasabing police operations.

Idinagdag pa ng Kalihim, umabot naman sa P453,203,447 na halaga ng droga ang nakumpiska sa naturang police operations.

Samantala, pansamantala munang isinuspinde ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon laban sa crime against humanity ng war on drugs ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos sumulat si Philippine Ambassador to the Netherlands Eduardo Malaya kay ICC Prosecutor Karim Khan na humihiling na itigil na ang imbestigasyon.

Paliwanag ni Khan, hindi muna sila magsasagawa ng imbestigasyon habang pinag-aaralan ang lawak at epekto ng nasabing sulat.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya ang nakinabang sa kanyang “war on drugs,”. Aniya, ang kinabukasan ng mga kabataang filipino ang makikinabang nito. Kris Jose