PDu30 wala pang rason para mag-endorso ng prexy candidate

PDu30 wala pang rason para mag-endorso ng prexy candidate

March 19, 2022 @ 4:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Wala pang nakikitang dahilan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para mag-endorso ng presidential candidate.

Sa isinagawang “Ask Me Anything, Anywhere” segment na iniere sa Facebook page, sinabi ni acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar na hanggang ngayon ay wala pang napipili si Pangulong Duterte na magiging successor nito.

“Ang ating alam, ang sabi po ni Pangulong Duterte, wala siyang ie-endorse, unless there is a compelling reason. Kung merong sapat na dahilan para mag-endorse ng kandidato, gagawin niya. Pero sa ngayon, wala pang compelling reason,” ayon kay Andanar.

Nagpahayag naman ng kanyang pagsuporta si Samar Governor Ben Evardone, acting vice president ruling party, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), sa presidential bid ni Vice President Leni Robredo.

Pinagbasehan ni Evardone ang kamakailan lamang na pahayag ni Pangulong Duterte na ang susunod ng bansa ay dapat na isang “compassionate and decisive” at isang abogado.

Sa 10 presidential hopefuls, tanging si Robredo at Dr. Jose Montemayor lamang ang mga abogado.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni acting Cabinet Secretary at PDP-Laban secretary-general Melvin Matibag noong Marso 15 na nananatiling “neutral” si Pangulong Duterte at hindi pa makapag-endorso ng partikular na presidential candidate.

Idinagdag pa ni Matibag na inaasahan na papangalagan na ng PDP-Laban ang kanilang presidential bet bago o sa mismong araw ng Marso 25.

Gayunman, iginiit ni Evardone na ang kanyang pag-endorso kay Robredo ay may “basbas” ni Pangulong Duterte.

Nauna rito, sinabi ni Andanar na maaaring suportahan ng Pangulo ang isang presidential candidate na may letrang “O” ang pangalan.

Nilinaw nito na ang kanyang pahayag ay base lamang sa kanyang “instincts” .

Samantala, maliban kay Robredo at Montemayor, ang iba pang presidential aspirants ay kinabibilangan nina Senador Panfilo Lacson at Emmanuel “Manny” Pacquiao, dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, dating presidential spokesperson Ernesto Abella, dating national security adviser Norberto Gonzales, labor leader Leody de Guzman, at Lanao del Sur businessman Faisal Mangondato. Kris Jose