PDu30: Walang dayaan sa nagdaang halalan

PDu30: Walang dayaan sa nagdaang halalan

May 12, 2022 @ 11:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kumbinsido si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na walang dayaang nangyari sa nagdaang eleksyon nitong nakalipas na May 9 national election.

Sa Talk to the People, sinabi ni Pangulong Duterte na naniniwala siyang naging malinis ang isinagawang halalan bagama’t may mga lumabas hinggil sa umano’y glitches bunsod ng pagma-malfunction ng vote-counting machines o VCM.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na mas mabuti na ding maimbestigahan aniya ito ng Comelec upang wala namang masabi ang mga nagdududa sa naging resulta ng eleksiyon.

Sa kabilang dako, hinimok naman ng Punong Ehekutibo ang mga Pilipino na suportahan ang mga bagong elected leaders ng bansa na dito ay ipinaabot niya ang kanyang pagbati.

Nauna rito, walang nakitang iregularidad ang mga statistics experts mula sa University of the Philippines (UP) hinggil sa “consistent voting pattern” sa partial at unofficial results ng 2022 presidential race.

Ayon sa UP School of Statistics, ang sinasabing “68:32” vote ratio na pumapabor kay presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay hindi maaaring gamitin bilang sapat na ebidensiya ng electoral fraud.

“Kung walang malinaw na konteksto, ang ganitong pattern sa porsyento ng boto ay hindi maaaring gamiting ebidensya ng pandaraya,” ang pahayag nito sa isang Facebook post.

Pumutok ang alegasyon ng election cheating matapos na lumabas at makita ang quick count ng partial at unofficial tally of votes kung saan milya-milyang naungusan ni Marcos ang kanyang closest rival na si Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo.

May nagsasabi na diumano’y nagkaroon ng “68:32 magic,” na tumutukoy sa “consistent pattern” ng 68% ng boto para kay Marcos habang nananatili naman sa 32% ang boto para kay Robredo.

Sinabi ng UP School of Statistics na ang steady pattern sa unofficial outcome ng presidential race ay hindi nagpapahiwatig ng dayaan sa botohan.

“Hindi masasabi ng ’68:32 ratio’ trend kung mayroong pandaraya sa eleksyon. Ang mga trend sa transmission ng boto tulad ng sa ’68:32 ratio’ ay hindi ebidensya ng pandaraya sa eleksyon ,” anito.

Mali rin aniya na kaagad na ipagpalagay na nagkaroon ng manipulasyon sa mga boto dahil lamang napanatili ni Marcos ang malaking kalamangan kay Robredo sa presidential derby.

“Ang hindi paggalaw ng ’68:32 ratio’ base sa cumulative totals ay hindi maituturing na irregularity. Mali ang mga kumakalat na analysis base sa cumulative o pinagsama-samang bilang ng boto sa bawat update,” ayon sa mga statistics expert. Kris Jose