PDU30 walang ginawang iligal sa pagtakbo bilang VP para sa immunity – Malakanyang

PDU30 walang ginawang iligal sa pagtakbo bilang VP para sa immunity – Malakanyang

July 21, 2021 @ 4:04 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Walang ginawang masama o illegal si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaya’t nabanggit nito na tatakbo siya bilang bise-presidente sa 2022 elections para makakuha ng immunity kapag pinalad na manalo.

“Wala po. Statement of fact lang po ‘yan,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Kamakailan lamang ay nabanggit kasi ni Pangulong Duterte na tatakbo na lamang siya bilang bise-presidente sa 2022 elections matapos na magbanta ang kanyang mga kritiko na idedemanda siya ng mga ito.

““Tinatakot, mademanda raw ako. Eh sabi ng batas, pag Presidente ka o Bise Presidente, may immunity ka. Eh di tatakbo na lang ako na Bise Presidente. Then after that, tatakbo ako ng Bise Presidente, then after that, tatakbo akong Bise Presidente,” ayon sa Chief Executive sa idinaos na oath-taking ng mga bagong PDP-Laban officials, araw ng Sabado, Hulyo 17.

Sa kabilang dako, may isang paksyon naman kasi ng PDP-Laban sa ilalim ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang hinihikayat si Pangulong Duterte na tumakbo bilang bise-presidente sa eleksyon sa susunod na taon.

Habang nagbanta naman sina retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at Senator Antonio Trillanes IV na pananagutin si Duterte sa mga pagpatay na may kinalaman sa iligal na droga.

Ngunit una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi ligtas ang isang bise-presidente sa kasong isasampa laban dito.

Muli namang iginiit ni Duterte na hindi sakop ng batas ng bansa ang Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).

“They will never have jurisdiction over my person, not in a million years,” ani Duterte. Kris Jose


  •  
  •  
  •