PDu30, walang pagsisisi sa pagtanggi sa suporta ng ‘oligarchs’

PDu30, walang pagsisisi sa pagtanggi sa suporta ng ‘oligarchs’

March 30, 2022 @ 3:59 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Hindi nagsisisi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa desisyon nitong tanggihan ang alok na pondo ng mga ‘oligarchs’ noong 2016 presidential campaign.

Sa kanyang Talk to the People, araw ng Miyerkules, muling inulit ng Pangulo ang kanyang posisyon na buwagin ang ‘oligarchy.’

“Sabi ko, itong mga oligarch, it can never… Kaya ‘yung iba diyan, hindi ko tinanggap ‘yung election contribution ninyo, campaign funds. I never regretted it or I do not regret it. Pagdating ng panahon, yari kayong lahat,” ayon kay Pangulong Duterte.

Pinayuhan din ng Chief Executive ang mga botateng filipino na maging maingat sa pagpili sa kung sino ang susunod na lider ng bansa.

Binalaan niya ang mga ito laban sa mga election hopefuls na may bahid ng korapsyon.

Pinag-iingat din niya ang electorate laban sa mga party-list groups na kaalyado ng communist movement at sa mga kontrolado ng mga mayayaman.

“Until the end of the day, on my last day, I would continue to criticize and say something about itong mga party-list at hindi lang ang left. Ito ay ginagamit ng mga mayaman, lahat ng mga may negosyante, either binili nila ‘yung party-list or nag-create sila because they can do it with the money and that has become a problem,” aniya pa rin.

Ito’y matapos na kumpirmahin ng Pangulo na ang mga party-list groups na Kabataan, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela, o tinatawag na “KABAG,” ay nakikipagtulungan at ugnayan sa communist movement para ibagsak ang gobyerno.

Sinabihan ng Pangulo ang kanyang mga kapuwa filipino na huwag iboto ang “KABAG” party-list groups na naghahangad ng reelection sa May 9 polls.

“Fractured na tayo, it’s a fractured constitution. Biro mo, who allowed itong ganitong party-lists? “Iyong mali nila, ang malaking –pinakamalaking krimen, iyan ito sinusuportahan ng mga party-list… Huwag ninyong iboto ‘yan kaya kung iboto ninyo ‘yang party-list,”ayon sa Pangulo.

Oktubre 2021, sinabi ni Pangulong Duterte na ang kanyang ruling party, Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban), ay hindi nakatanggap ng anumang tulong pinansiyal mula mga oligarchs.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos niyang igiit na ang mainstream political parties, kabilang na ang opposition Liberal Party, ay “funded by oligarchs.”

Marso ng nakaraang taon, sinabi ni Pangulong Duterte na nagawa niyang buwagin ang pag-kontrol ng oligarchs sa gobyerno. Kris Jose