Peace of mind” hiling ni Yorme para kay Go sa pag-atras sa pagka-Pangulo

Peace of mind” hiling ni Yorme para kay Go sa pag-atras sa pagka-Pangulo

December 14, 2021 @ 11:11 AM 10 months ago


San Joaquin, Ilo-Ilo City – Hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magkaroon ng kapayapaan at makita ni Senator Bong Go ang kanyang sarili dahil mahirap na desisyon ang kanyang ginawa makaraang pormal na itong umatras sa kanyang kandidatura sa pagka-Pangulo ng bansa ngayong araw.

Ito ang pahayag ni Domagoso, na siyang standard bearer ng Aksyon Demokratiko, matapos ang pagbisita nito sa kanyang mga natitirang kamag-anak ng kanyang yumaong ama na si Joaquin Domagoso.

Sa panayam kay Domagoso, hindi umano nito alam kung ano ang pinaghuhugutan ni Sen. Bong Go ngunit naniniwala ang alkalde na napakahirap ng ginawa nitong desisyon dahil malaki aniya ang magiging epekto sa kanyang kasalukuyang sitwasyon.

“It’s really hard because you will be psychologically, emotionally, and physically challenge. I hope makita ni Senator Bong Go ang kanyang sarili dahil mahirap na desisyon yun, malaking sakripisyo yun sa kanya, ” ani Domagoso.

Kaugnay nito, nagpahayag naman si Domagoso ng kanyang reaksyon hinggil sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging “neutral” umano ito sa darating na 2022 national election kung saan sinabi nitong hahayaan niyang makapagdesisyon si Duterte kung sino ang kukursunadahin nito sa pagka Pangulo ng bansa dahil sarili naman aniya niya itong desisyon.

“Basta ako iboboto ko siya (Duterte), yun hindi niya makukuha sa akin yun bilang botante,” ani Domagoso patungkol sa pagboto kay Duterte bilang Senador.

Samantala, binisita ni Domagoso ang mga kamag-anak ng kanyang ama sa bayan ng San Joaquin kung saan ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya ang angkan ng Sandoy at Domagoso gayundin ang kinalakihan ng kanyang ama.

“Napatunayan ko na hindi ako rare species, dahil sa Tondo nag iisa lang ako, pero dito sa San Joaquin libo libo pala kami,” ani Domagoso.

Kasama ni Domagoso sa tuloy tuloy nilang isinasagawang “listening tour” ang kanyang runningmate na si Dr. Willie Ong at senatorial slate na sina Samira Gutoc, Jopet Sison, at Carl Balita. JAY Reyes