Peace process sa Pinas tinalakay nina PBBM, ex-UK PM

Peace process sa Pinas tinalakay nina PBBM, ex-UK PM

September 22, 2022 @ 3:58 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagkaharap at nagkausap sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating British prime minister Tony Blair sa sidelines nang pagbisita ng una sa Estados Unidos para ihayag ang kanyang talumpati sa 77th United Nations General Assembly (UNGA).

Sa isang Facebook post, sinabi ni Pangulong Marcos na pangunahing pinag-usapan nila ni Blair ang tungkol sa “optimistic peace process” sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).

Pinag-usapan din nina Marcos at Blair ang mga pamamaraan kung paano tutugunan ang iba pang priority issues sa global economy, gaya ng food security, climate action, at kalakalan.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakapagbibigay ang Malakanyang ng karagdagang detalye sa nasabing pag-uusap ng dalawang lider.

Samantala, kaabang-abang naman ang nakatakdang pagpupulong nina Pangulong Marcos at US President Joe Biden bago pa siya bumalik ng Pilipinas sa Setymebre 24.

“Sa unang pagkakataon, nakatakdang makipagkita at makipagpulong ang ating Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. kay US President Joe Biden sa sidelines ng United Nations General Assembly sa Estados Unidos,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles.

“Inaasahang matatalakay ng dalawang world leader ang pagpapatatag ng relasyong Pilipinas-US na nasa 76 na taon na ng kooperasyon, pagpapayabong ng kalakalan, pamumuhunan sa ating bansa, at iba pang isyu na kinakaharap ng mundo,” dagdag na pahayag ni Cruz-Angeles. Kris Jose