Peace talks ‘di pa kanselado-Joma

Peace talks ‘di pa kanselado-Joma

June 29, 2018 @ 1:48 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Nilinaw ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison na wala pang desisyon kung tuluyan na nga bang wawakasan ang peace negotiations sa gobyerno.

Ginawa ni Sison ang paglilinaw,  isang araw matapos lumabas ang mga balita na kinansela na raw niya ang peace negotiations.

Sa isang statement, sinabi ng communist leader na tanging ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) lamang daw ang maaring magsuspinde, magkansela, o tuluyang magwakas sa peace talks.

Pero sa ngayon, wala pang nabubuong desisyon ang NDFP tungkol dito.

Gayunman, iginiit ni Sison na hanggang si Pangulong Rodrigo Duterte raw ang nangunguna sa peace panel ng gobyerno ay wala raw maaasahang benepisyo ang mga naaapi sa pakikipagnegosasyon sa administrasyon nito.

 

Tuloy pa rin – Bello

Magpapatuloy pa rin umano ang peace talks kahit kanselahin ito ni Joma.

Sinabi ni government chief negotiator at Labor Sec. Silvestre Bello III na walang kanselasyon kundi pagpapaliban lamang ang inanunsyo ng pamahalaan.

Nabatid na inihayag umano ni Sison na hindi sila natatakot na ituloy na lang ang giyera sa halip na abalahin nang paulit-ulit ang peace talks.

Paniwala ni Bello, naghihimutok lang ang pinuno ng komunistang grupo at maaaring lumambot pa rin ito sa isyu, para sa pangmatagalang kapayapaan. (Nats Taboy)