Peace talks ng Russia, Ukraine maaaring madiskaril

Peace talks ng Russia, Ukraine maaaring madiskaril

February 28, 2022 @ 4:55 PM 4 months ago


MOSCOW – Maaaring madiskaril umano ang usapang pangkapayapaan ng Russia at Ukraine dahil sa hindi magkatugmang paninindigan ng mga ito.

Iminungkahi ni Belarusian President Alexander Lukashenko ang pag-uusap ng magkabilang panig ngunit sa border ng Ukraine at Belarus.

Para kay Volodymyr o Vladimir Zelenskyy, lider ng Ukraine, pumapayag ito na makiharap at makipag-usap para hindi sabihin ng iba ng hindi nito binigyan ang kapayapaan na mamamayani.

Subalit iginiit nito na dapat itigil muna ng Russia ang paglusob nito at lumabas ang mga pwersa nito sa Ukraine bago ito makipag-usap..

Sa bahagi naman ng Russia, dapat na ibaba ng Ukraniang Armed Forces ang kanilang mga armas bago magkaroon ng mga pag-uusap.

Kaugnay nito, tila kinakausap din ni Zelenskey mismo ang Israel para sa pag-uusap ng Russia at Ukraine.

Tanging ang United States, United Kingdom at ilang mga kaalyado ng mga ito ang hindi tumutugot sa anomang pag-uusap at tinatawag ng US ang pag-uusap na pwersado at dinaraan sa dulo ng baril, lalo na sa parte ng Russia.

Sa ngayon, ginagawa ng US, UK at iba pa ang lahat ng paraan para malumpo ang ekonomiya ng Russia bilang parusa rito at mapahina ang pagkukunan nito ng panggastos sa giyera.

Kasama sa mga paghihigpit o pagbabawal ang hindi pagbiyahe ng mga eroplano ng Russia sa ilang bansa, pagtanggal sa Russia sa komunikasyon sa palitan at pagdaloy ng salapi, pagsasara ng mga bangko ng Russia at pagkumpiska ng pag-aari mismo nina Russian President Vladimir Putin at mga kasama nitong mga malalaking negosyante.

Gumaganti naman ang Russia sa pagsasabing aangkinin ng Russia ang mga kompanyang US, UK at iba pa, gayundin ang pananalapi ng mga ito at isasara rin ang koneksyon ng mga kompanya ng mga ito sa Russia. RNT