Peace talks sa mga rebelde ekis kay Danao

Peace talks sa mga rebelde ekis kay Danao

July 18, 2022 @ 2:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. nitong Lunes ang hindi pagsang-ayon sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at communist rebel group.

Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Camp Crame, tinira niya ang “leftist group” matapos umanong i-ambush ang mga pulis ng Police Regional Office 8 na namamahagi ng tulong sa mahihirap na komunidad nitong Sabado.

“They are there to give assistance to the poorest of the poor. Pero unfortunately you ambushed them. O tapos now you are talking peace talks. Anong klaseng peace talks ‘yan?” Danao said.

Namatay ang isang pulis sa insidente, ayon kay Danao. Kinilala ng PRO8 iang biktima na si Police Patrolman Mark Monge.

Base sa PRO8, nagsasagawa ang mga pulis ng humanitarian activity sa mga bayan ng San Jose de Buan at Gandara sa probinsya ng Samar nang halos 10 communist rebels ang umano’y pinaputukan sila ng baril.

Inilahad din ng PRO8 na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan nila ng mga rebelde na tumagal nang halos limang minuto. Umatras din ang mga rebelde at nagtungo sa norte, aniya.

“Alam niyo kung puwede lang baligtarin ang gobyerno, ako mismo ang a-ambush sa inyo, sa totoo lang. Nakakasama ng loob,” giit ni Danao.

“Kapag kayo ang gagawa ng kalokohan, walang human rights. Pero kapag ang pulis ang pinatay niyo, wala ring human rights. Anak ng…ang sarap niyo pagmumurahin,” dagdag niya. RNT/SA