PEBRERO 14 = PAGMAMAHAL, IHATID SA KINAKALAMIDAD

PEBRERO 14 = PAGMAMAHAL, IHATID SA KINAKALAMIDAD

February 14, 2023 @ 12:30 PM 1 month ago


LABIS na nakadudurog ng puso ang nagaganap sa buhay ng mga kinakalamidad, gawa man ng tao o ng kalikasan.

At kung maalala nating magmahal sa Araw ng mga Puso, huwag sana nating kaligtaan ang maghatid kahit kaunting hibla nito sa mga biktima ng kalamidad.

TURKEY AT SYRIA; PATAY, DOBLE SA BILANG

Mahigit nang 33,000 ang patay sa Turkey at Syria sa kalamidad na nilikha ng dalawang malakas na lindol na may magnitude 7.8 at 7.5.

Ang nakatatakot ngunit hindi imposible, sinasabi ni United Nation relief chief Martin Griffiths na maaaring darami ang bilang ng mga nasawi hanggang 56,000.

Ayon sa isang Turkong may kinalaman sa housing, nasa 180,000 umano ang nakatira sa mga gumuho at nagibang mga gusali.

Kung totoo ito, nakatatakot isiping tama si Griffiths o mas masahol pa ang darating sa huling mga balita.

Naririyan, halimbawa, ang araw-araw na pagbabago na nakikita ng libo-libo nang lumalahok sa mga search and rescue at nagsasabing habang parami nang parami ang mga natatagpuan patay, pakonte nang pakonte naman ang naliligtas na buhay.

Heto pa ang matinding pangyayari. Kulang-kulang sa isang milyon sa dalawang bansa ang labis na apektado mula sa nasa 26 milyong biktima.

Labis na apektado ang nawalan ng mga tahanan at kakambal na rito ang paninirahan nila sa mga tent sa gitna ng labis na lamig ng panahon, gutom, pagkakasakit, uhaw, kakulangan sa malinis na tubig at gamot at iba pa.

SA UKRAINE

Aabot na umano sa 250,000 ang patay at pareho ang Ukraine at Russia na namatayan na 100,000 sundalo.

Ang sobra sa bilang, mga sibilyan  na nasawi sa crossfire, bombahan, misilan, salvaging, patay na bata o may sakit sa kawalan ng kuryente at iba pa.

Lalala pa ito sa mga darating na araw sa paggamit ng mas maraming armas ng naglalabanang panig.

SA PAKISTAN

Nitong nakaraang mga buwan, tinamaan ang kalahati ng lupain ng Pakistan ng sobrang pagbaha at naging matagalan pa.

Milyon-milyon ang nasiraan ng mga tanim, alagang hayop, negosyo, sasakyan at iba pa.

Nagbunga ito ng labis na kahirapan ng buong Pakistan at nahirapang umutang ng halagang $6 bilyon para muling bumangon ang pambansang ekonomiya nito.

Nitong huli, lumalabas na pauutangin sila ng International Monetary Fund ngunit sa kondisyon na magsagawa ang Pakistan ng pagbabago sa mga bubuwisang bagay at pangongolekta ng buwis para pagkunan ng pambayas ng utang.

TUMULONG AT MAGDASAL

Malalayo sa atin ang mga bansang ito subalit maituturing silang hindi lang sakit sa kalingkingan kundi sa buong katawan natin dahil bahagi sila ng mga pang-ekonomiyang krisis sa mundo na dumarating at nakaaapekto sa atin sa Pinas.

Marahil, hindi lang tayo magdasal kundi tumulong sa kanila sa abot ng ating makakaya.