PBBM, pamilya naghahanda na sa pag-assume sa opisina

June 26, 2022 @4:23 PM
Views:
2
MANILA, Philippines – Sinabi ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na siya at ang kanyang pamilya ay naghahanda na at nasa proseso na ng paglipat upang maging Unang Pamilya.
Sa isang video na ipinost sa kanyang YouTube channel, sinabi ni Marcos na bukod sa kanyang sarili, ang kanyang asawang si Liza at ang kanyang mga anak na sina Sandro, Simon, at Vinny ay pawang nag-a-adjust sa kanilang mga paparating na bagong buhay bilang miyembro ng presidential family.
Si Liza, ani Marcos, ay kailangang pansamantalang isuko ang kanyang posisyon sa kanyang law firm na M & Associates, na kanyang itinatag.
“Malungkot, dahil ito’y alam ko, nakita ko, pinaghirapan niya… talagang binuhos niya ang kanyang sarili dito, ang galing dito. From nothing, nagkaroon ng magandang law firm,” aniya na pinatutungkulan ang kanyang asawa.
“Wala tayong magagawa dahil siya ay magiging First Lady at kailangan niyang bitawan ang kanilang interes sa kanilang law firm,” dagdag pa ng president-elect.
Inihahanda na rin ng panganay na anak ni Marcos na si Sandro ang kanyang bagong opisina para sa kanyang trabaho bilang kinatawan ng Ilocos Norte.
“Iyong dalawa ko pang anak, dahan-dahang nasasanay dahil marami silang bigla na security. Panay nga reklamo. Pero wala tayong magagawa, ganoon talaga ‘pag ikaw ay naging anak ng presidente,” dagdag pa ni Marcos Jr.
Samantala, sa kanyang vlog, pinasalamatan din ni Marcos si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pag-alis sa pwesto sa Huwebes, Hunyo 30.
“Kasama na rin ako… na magpaparating ng aking pagsaludo at pasasalamat sa kanilang makasaysayang pamumuno,” anang president-elect. RNT
Byaheng San Pablo-Lucena ng PNR, bukas na ulit!

June 26, 2022 @4:10 PM
Views:
10
MANILA, Philippines – Bukas na muli sa mga commuter ang byaheng San Pablo, Laguna at Lucena, Quezon ng Philippine National Railways ngayong Linggo.
“Starting Sunday, 26 June 2022, the said PNR line will once again serve passengers going to and from Laguna and Quezon. It can serve up to 3,683 passengers at any given time,” anang DOTr.
Noong Oktubre 2013, inihinto ang byahe ng nasabing linya ng San Pablo-Lucena matapos ang pagbagsak ng sumusuportang istruktura nito.
Sinabi ng DOTr na ang muling pagbubukas ng linya ng San Pablo-Lucena ay mahalaga sa pagpapanumbalik ng linya ng PNR Bicol, na nag-uugnay sa Metro Manila sa mga lalawigan sa timog, kabilang ang Laguna, Quezon, Camarines Sur, at Sorsogon.
Ang nasabing linya kapag binuksan sa publiko ay nagbabawas ng 30 minuto sa byahe.
Mayroon itong dalawang pangunahing istasyon at apat na flag stop, dagdag ng DOTr. RNT
Monkeypox wala pa sa Pinas

June 26, 2022 @3:57 PM
Views:
8
MANILA, Philippines – Wala pang kumpirmadong kaso ng monkeypox na natukoy sa Pilipinas sa ngayon, sinabi ng Department of Health (DOH).
Sa isang briefing ng Laging Handa, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy na nagsusumite ang mga local government unit ng mga sample mula sa “suspect cases” sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa verification.
“As of today, wala pa tayong nakumpirma sa monkeypox,” anang opisyal.
Iniulat ng World Health Organization (WHO) noong Mayo 2022 ang paglaganap ng monkeypox sa mga hindi endemic na bansa.
Sa pagitan ng Enero hanggang Hunyo 15, 2022, may kabuuang 2,103 na kumpirmadong kaso at isang pagkamatay dahil sa virus ang naitala sa 42 bansa, kabilang ang mga kung saan ang monkeypox ay endemic.
Batay sa pinakahuling datos nito, mahigit 90 porsiyento ng mga kaso ang naiulat mula Mayo hanggang Hunyo 15, 2022. RNT
Paslit pisak sa pick-up

June 26, 2022 @3:43 PM
Views:
14
KORONADAL CITY –MISTULANG kamatis na napisak ang isang taong gulang na batang babae matapos magulungan ng pick-up nitong Biyernes sa lungsod na ito.
Hindi na umabot pang buhay sa ospital ng dalhin ng kanyang ina ang bata sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo.
Kusa naman sumuko sa pulisya ang suspek at driver ng Strada pick-up na kinilalang si Melvin Apenton, 51-anyos at residente sa Barangay San Jose, Koronadal City.
Ayon kay PMSG Gandy Basan, imbestigador ng Koronadal City Traffic Office, naganap ang insidente sa tabing kalsada sa harap ng Rizal St., Waling-waling St. Brgy. Zone 4, Koronadal City.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumaan sa pamilihan ng mga bulaklak ang mag-ina sa nasa gilid ng kalsada sa nasabing lugar.
Kuwento ng isang ginang, kausap pa niya ang ina ang bata para magpa-Gcash ng bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na pagtalbog.
Dito, nakita na lamang nila ang bata na nasa ilalim ng sasakyan ni Apenton at duguan.
Agad naman isinugod sa ospital ang biktima subalit dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Sa ngayon hinihintay na lamang ng pulisya ang desisyon ng ina ng bata sa pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide laban kay Apenton./Mary Anne Sapico
Antipolo Cathedral idineklara ng Vatican na kauna-unahang int’l shrine sa Pinas

June 26, 2022 @3:30 PM
Views:
27