PEKE, ‘DI AWTORISADONG COVID TEST KITS, GAMOT

PEKE, ‘DI AWTORISADONG COVID TEST KITS, GAMOT

January 20, 2022 @ 6:04 PM 9 months ago


KINIKILA ng ating pamahalaan ang karapatan ng bawat isa na gumamit ng mga gamit at gamot na panlaban sa COVID-19.

Kung saan ka makamumura at madali kang gagaling o makaalam sa iyong sakit o pamilya, malaya kang gawin iyon.

Subalit kung lihis lahat ang mga gamit at gamot sa pamantayan ng pamahalaan, partikular ang Food and Drug Administration, baka magkaproblema ka.

Magagastusan ka na, hindi mo pa makakamit ang iyong inaasam na resulta o kaya’y madidisgrasya ka.

At baka mahaharap ka pa sa kasong kriminal kung sumali ka sa paggawa, pagbenta at iba pa kaugnay ng mga gamit at gamot na labas sa pamantayan ng FDA.

CERTIFICATE OF PRODUCT REGISTRATION

CPR o Certificate of Product Registration mula sa FDA ang pinakamahalagang pamantayan sa pagiging ligal, ligtas at epektibo ng gamit o gamot.

Kapag natatakan ang mga gamit at gamot ng CPR, nangangahulugan na dumaan na ang mga ito sa pag-aaral o pagsusuri ng pamahalaan bilang ligtas at epektibo.

Kaya, itong CPR ang kauna-unahang dapat mong silipin at busisiin bago ka bumili ng gamit at gamot.

Kapag wala ang tatak na ito, mga Bro, magduda ka na.

Problema nga lang ang kakayahan nating sumilip at bumusisi kung genuine o peke ang mga ito sa galing ng mga mamemeke at mandurugas na gumawa ng mga pantatak.

Pero may isa pang paraan, mga Bro.

Halimbawa sa antigen test kit o antibody rapid test.

May mga inaprubahan na ang FDA na gawa ng China, United States, Germany at South Korea at nasa website ang mga ito ng FDA.

Ang mga wala sa listahan, hindi awtorisado o peke.

Paano naman kung ginagamit ng ilang ospital, klinika, laboratory o medical professional ang mga walang tatak na CPR at wala sa listahang aprubado ng FDA?

Nasa sa iyo na ang pagpapasya kung papatol ka basta hindi peke ang mga medical professional at rehistrado rin ang mga ospital, klinika o laboratory.

Kung tama ang resulta o gagaling ka, well and good.

Paano kung walang nangyari o sumama ang iyong pakiramdam?

MGA HINUHULI

Biglang nauso ang antigen test kit nang bumili mismo ang pamahalaang US ng 500 milyong antigen o rapid test kits kontra sa COVID-19 para sa mga mamamayan nito.

Paano nga naman, presyong P400-P500 lang ang mga ito sa Metro Manila at P1,000 sa mga malalayong lalawigan kumpara sa P3,000-P5,000 na reverse transcription polymerase chain reaction.

Pede mo pang ipa-deliber lang ang mga antigen o rapid test kits sa mga nagmomotorsiklo at gawin ang test sa bahay.

Sa rt-pcr, pede ring gawin sa bahay pero magbabayad ka pa ng mahal sa mga medical professional na gagawa nito bukod sa presyo nito.

Dahil in demand, anak ng tokwa, biglang nagsulpuan ang mga vendor ng sari-saring kit, kasama ang mga gamot na sinasabi ng mga pulis na peke at iligal.

At kapag nahuli ka, mahaharap ka sa 1-10 taong pagkakulong at multang P50,000-P500,000.

Mag-ingat na lang.