PEKE RAW OH!

PEKE RAW OH!

October 20, 2022 @ 6:33 PM 1 month ago


TATLONG lalaki na nangongotong sa mga motorista ang dinampot kamakailan ng mga pulis sa Tondo, Maynila.
Nakasuot ang tatlong bugok ng uniporme ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB.

Matagal na raw nangongotong ang tatlong walanghiya sa mga motorista at kamakailan lang sila nahuli ng mga tauhan ng Manila Police District.

Ngunit itinanggi ng pamunuan ng MTPB na mga enforcer nila ang tatlong tunggak. Ibig sabihin ay mga pekenis ang tatlong ungas. Mantakin nyo, nakauniporme pa ang mga kumag.

Ang aking tanong: Saan galing ang kanilang uniporme? May nagbigay ba sa kanila nito o may nagbenta?

O kung nabili, saan ito nabibili? Sino ang mga may pakana?

Sa gabi umaatake ang mga nangongotong na ito sa mga motorista at sa madidilim pumupuwesto upang hindi sila mamukhaan.

Dapat siguro ay may umiikot na mga supervisor ang MTPB para alamin ang ginagawa ng kanilang mga tauhan, lalo sa gabi. Isa pang dahilan kung bakit kailangang may bisor sila na umiikot sa gabi ay para malaman kung mga tauhan pa ba nila ang mga nakakalat sa lansangan. Sabagay, kampante kasi ang MTPB na mga tauhan nila ang mga sumisita sa mga trak ng kargamento na dumaraan sa mga kalsada ng Maynila mula sa Port Area.

Maglabas din sana ng anunsyo kung hanggang anong oras lang sa gabi ang operasyon ng mga traffic enforcer.
E kasi, may nakikita tayo na kahit madaling araw na, may mga traffic enforcer pa rin nanghuhuli lalo na sa kanto ng Dimasalang at A.H.Lacson, kahabaan ng Abad Santos, kahabaan ng R-10 at maging sa Quirino Highway. Ang sisipag, hindi ba?

D’yan mismo sa harap ng Manila City Hall, may mga “traffic enforcer-in-tandem” na nanghaharang ng mga truck para sitahin.

Naku, hindi naman siguro magpupuyat at sisipagin nang ganoon-ganoon lang ang mga traffic enforcer na ‘yan kung hindi sila “nasisiyahan” sa kanilang ginagawa.

Gaano ba sila kasaya? Ang hepe nila, masaya rin ba?