PEKENG BAKUNA NA, PEKENG PAGBABAKUNA PA

PEKENG BAKUNA NA, PEKENG PAGBABAKUNA PA

July 7, 2021 @ 2:42 PM 1 year ago


KUNG ano-ano na lang ang mga raket na ginagawa ngayon para pagkakitaan ang coronavirus disease-19 o COVID-19.

Nitong huli, libo-libo ang binakunahan sa India na may bayad ngunit peke pala ang laman ng bakuna.

Nauna rito, sa mahal kong Pinas, nagkaroon din ng bentahan ng mga bakuna at vaccine slot.

Noong kasagsagan ng pandemya, anak ng tokwa, ang isang karton ng surgical face mask na P40-P50, naging P500 hanggang P800 habang umabot naman sa nasa P1,000 ang isang pirasong N95 mask mula sa nasa P50-70, gayundin ang alkohol na tumaas sa P1,200 mula sa P200 kada galon.

May mga peke ring swab test results na umaabot sa P5,000-P6,000 bawat isa.

MGA DOKTOR SANGKOT MISMO

Maraming doktor mismo ang inaresto lalo na sa Mumbai, India dahil sa pagtatayo ng mga vaccination center, pagbabakuna ng maalat na tubig lamang, pamimigay ng pekeng vaccine certificate, iringilya at vials o sisidlan ng bakuna.

At ang lalakas ng loob ang mga ito dahil ginagamit nila ang mga ospital mismo bilang mga vaccination center.

Naging kasabwat ng mga doktor ang ilang vaccinator at tagagawa ng mga pekeng vaccine certificate, iringilya at vials at inaresto at sinampahan na ng mga kasong cheating, attempts at culpable homicide, criminal conspiracy at iba pa.

NAGING MILYONARYO

Hindi libre ang mga pagbabakuna kundi may bayad kaya sa ilang linggo lamang na operasyon ng sindikato na binubuo ng mahigit 14 katao, kumita na sila ng P1.4 milyon mula sa 2,500 na ininiksyunan nila.

Kasama na nila sa kulungan ang mga naaresto sa hoarding o pagtatago at pag-o-overprice na rin ng mga oxygen at oxygen tank nitong kasagsagan ng second wave na gawa ng Delta variant.

Nakialam na rin mismo ang mga hukom sa India at nagbantang hahatulan nila ng kamatayan ang mga switik sa oxygen.

Hahatulan din kaya ng kamatayan ang mga hinayupak na gumagawa ng mga pekeng bakuna at iba pang peke na naglagay ng buhay ng libo-libo sa panganib?

BAKUNANG FOR SALE SA PINAS

Libre lahat ang bakuna sa Pinas at bigay ito ng pambansang pamahalaan, mga local government unit at pribadong kompanya.

 Ang rason, lahat ng bakuna kontra-COVID-19 ay nasa antas o uri pa lang na pang-emergency use at nangangahulugang hindi pa basta maituturok ng kung sino-sino at kung kani-kanino at lalong hindi pwedeng ibenta sa madla.

Ang mga kompanyang Amerikano na gumagawa ng Pfizer, Moderna at Johnson and Johnson ay nag-aaplay na ng lisensya para maging komersyal o pwede nang ibenta sa publiko ang mga ito ngunit hindi pa pumapayag ang pamahalaang Amerika.

Pero sa pagkuha ng ating pamahalaan sa mga manufacturer o pabrika, binibili ito, maliban lang ang mga bigay ng Covax facility ng World Health Organization at mga donasyon ng ibang bansa.

Ngayon naman, sa kabila ng pagbabawal ng pagbenta nito, hayun at may nabuking na “for sale” na mahigit 300 doses ng bakunang may tatak na Sinovac.

PEKE O GENUINE

Hanggang ngayon, nag-iimbestiga pa ang National Bureau of Investigation, Department of Health, Food and Drug Administration at pamahalaan ni Mayor Isko Moreno sa iskam na “vaccine for sale.”

Sa unang pagsisiyasat ng mga awtoridad, natagpuang peke ang mga bar code at madaling malusaw kapag nabasa kumpara sa mga genuine na kailangan mong kuskusin nang husto para matanggal.

Ang mga batch number na nakatatak sa mga bulto ng dumarating na mga bakuna, partikular ang Sinovac, ay hindi rin tugma sa nakumpiskang mga bakuna.

PARUSAHAN SILA SA DELIKADO, NAKASISIRANG KRIMEN

Dahil walang katiyakan ang mga bakunang nasakote, delikado ang mga ito.

Bukod sa delikado sa kalusugan at buhay ang bakuna, sinisira rin ng pinaggagawa ng isang medical technologist at isang nars ng ospital na nagbenta ng nasabing bakuna sa isang Tsino ang programang pagbabakuna

Nandiyan na nga ang malaking porsyento ng mga Filipino na hesitancy o ayaw magpabakuna, lalong pinalala ng mga kriminal ito.

Isa pa, nagkakandarapa na nga ang pamahalaang nasyunal, mga LGU at pribadong kompanya sa pagbili at pagkuha dahil pinag-aagawan ang mga bakuna sa liit ng suplay sa buong mundo, nagnanakaw pa sila para lang ibenta.

Ang dapat sa mga ganitong kriminal ay parusahan nang matindi at hindi hanggang 10 taon lang na mabibilanggo, ayon sa tadhana ng batas sa FDA.

Magpipyansa lang ang mga iyan at baka magtago pa at hindi maparusahan.