‘Pekeng’ BI appointment paper pinaiimbestigahan ni PBBM

‘Pekeng’ BI appointment paper pinaiimbestigahan ni PBBM

August 30, 2022 @ 6:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Iniatas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na imbestigahan ang source ng appointment document na pinaniniwalaang pineke, ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles nitong Martes.

Sinabi ni Cruz-Angeles na ang dokumento ng appointment ni Atty. Abraham Espejo bilang bagong Immigration chief ay hindi mahanap sa records ng Office of the President, Office of the Executive Secretary, o ng Presidential Management Staff.

“Signature ng ating pangulo ang pinaghihinalaan nating na-forge, so medyo mabigat po ‘yung implications nyan,” sabi niya sa isang press briefing. “It can cause not just confusion but further crimes. Kung kaya’t with this in mind, nag-order siya ng investigation.”

Si Espejo ay dating dean ng New Era University’s College of Law. Ang kanyang “appointment” ay iniulat ng ilang media organizations, kung saan nabanggit ang anonymous sources wna umano’y nakatanggap ng kopya ng umano’y appointment paper.

Sinabi ng Press Secretary na ang Department of Justice — sa pamamagitan ng attached agency nito na National Bureau of Investigation — at ang Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group ang hahawak sa imbestigasyon.

Nagbabala naman siya sa mga mahahatulang guilty sa pamemeke sa pirma o stamp ng presidente, o ng Great Seal of the Government, na maaari silang makulong nang 12 hanggang 20 taon.

“‘Yung ganitong klaseng crime can cause instability,” giit niya. “Ito po ‘yung pangunahin sa isip ng ating pangulo – na magkakagulo kung ano, kung ganito ‘yung papabayaan nating mangyari.”

Nanawagan din ang press secretary sa media outlets kung may impormasyon sa source ng dokumento na makipag-ugnayan sa mga awtoridad. RNT/SA