Pekeng NBI agent kinasuhan

Pekeng NBI agent kinasuhan

July 19, 2022 @ 6:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na nagpapakilalang NBI agent habang kinokompronta ang isang motorista dahil sa away sa trapiko sa kahabaan ng Meycauayan City, Bulacan noong Mayo 8, 2022.

Ayon sa NBI, kasong kriminal ang isinampa sa Department of Justice laban kay Ramil Diez Bunagan, dahil sa usurpation of authority at illegal possession of fireams sa panahon ng election gun ban.

Ang insidente ay nakunan ng video na naging viral sa social media kung saan
tinutukan ni Diez ang motorista habang pinagbabantaan.

Ang verification sa PNP–Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) ay nagpakita na si Diez ay rehistradong may-ari ng sampung (10) baril na may iba’t ibang uri ng kalibre ngunit hindi nabigyan ng Permit To Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) para sa anumang uri ng baril.

Si Diez ay napag-alaman din na hindi empleyado ng NBI nang iberipika sa Personnel Division ng ahensya.

Natuklasan din ng NBI-AGD na nangyari ang alitan noong Election Gun Ban. Kaya naman, bineberipika ng NBI-AGD sa Commission on Election (Comelec) kung may gun ban exemption si Diez.

Isang sertipikasyon na inisyu ng COMELEC ang nakasaad na si Diez ay hindi nag-apply at hindi rin nabigyan ng Certificate of Authority to Bear, Carry o Transport Firearms o iba pang Deadly Weapons sa panahon ng halalan.

Dahil dito, patong-patong na kaso ang isinampa laban kay Diez kabilang ang
Usurpation of Authority, Grave Threats, Grave Coercion, at paglabag sa Batas Pambansa Bilang 881 (Omnibus Election Code) na may ugnayan sa Comelec Resolution No. 10728 (Illegal Possession of Firearm during Election Gun Ban). Jocelyn Tabangcura-Domenden