Pekeng operation order ibinabala ng BI sa mga dayuhan

Pekeng operation order ibinabala ng BI sa mga dayuhan

November 28, 2022 @ 3:49 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan hinggil sa pekeng operations order na kumakalat sa mga chat group sa internet.

Sa isang abiso, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang operations order na pinamagatang ‘checking overstaying and illegal employment in various entertainment places’ ay hindi inilabas ng BI.

Nabatid na ang kumakalat na pekeng direktiba ay nag-uutos umano sa mga tauhan ng BI na magsagawa ng inspeksyon sa mga lugar ng libangan sa Maynila, kabilang ang mga bar, KTV, music house, golf club, bowling alley, internet cafe, amusement park, casino, hotel, guest house, at restaurant para maghanap ng mga ilegal na dayuhan.

“No such order has been issued by the BI,” ani Tansingco.

“Our operatives are not authorized to randomly inspect establishments, but instead are required to secure a mission order to conduct an arrest. A mission order is only issued upon thorough investigation and confirmation that the subject foreign national has indeed violated immigration laws,” dagdag pa ng opisyal.

Paniwala ni Tansingco na ang pekeng kautusan ay ginagamit ng mga sindikato na nananakot sa mga dayuhan sa bansa para kotongan ang mga ito o pagkaperahan sila.

Nanawagan naman si Tansingco sa publiko na agad iulat sa mga lokal na ahensiya na nagpapatupad ng batas ang anumang ganitong uri ng pang-iiscam. JAY Reyes