Pekeng OVP staff na nambudol sa SJDM Mayor’s office, arestado!

Pekeng OVP staff na nambudol sa SJDM Mayor’s office, arestado!

September 7, 2022 @ 12:24 PM 4 weeks ago


Bulacan- Arestado ang binatang 41-anyos na nagpakilalang staff ng Office of the Vice President (OVP) matapos subukang budulin ang tanggapan ng alkalde ng lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ni SJDM Officer in Charge PLTCOL Cresencio Cordero Jr, ang suspek na si Joel Calis alyas JC Lo, John Carlos Lo, Vice President ng RNA Foundation Philippines Inc, nakasuot ng damit na may logo at residente ng Brgy. 138, Caloocan City.

Sa report ni Cordero, nangyari ang pagatake ng budol-budol bandang alas-6:30 ng gabi nitong Setyembre 6 sa Office of the City Mayor Arthur Robes sakop ng Brgy. Minuyan.

Ayon sa report, nag-ugat ang pag-aresto matapos tumawag ang tanggapan ng alkalde sa pulisya na may budol-budol at nagsosolisit gamit ang DSWD Region 3.

Itutulong umano nila ang kanyang masosolicit mula sa naturang tanggapan sa mga senior citizen, PWDs at solo parents.

Dahil dito, inalam ng Mayor’s Office ang pagkakakilanlan ni Calis na nakasuot pa ng polo shirt na kulay asul na may logo ng Office of the President of the Republic at nadiskubreng hindi ito konektado sa naturang tanggapan.

Agad na humingi ng tulong si Congresswoman Florida Robes, asawa ni Mayor Arhur Robes kay Cordero na mabilis rumesponde sa lugar kasama ang ilang intel operatives at brgy. officials.

Nang komprontahin at walang maipakitang patunay na taga-Office of the Vice President ay tuluyan itong inaresto ng pulisya.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III